4 sa 5 Pinoy interesado sa pagnenegosyo – OCTA

4 sa 5 Pinoy interesado sa pagnenegosyo – OCTA

January 13, 2023 @ 3:49 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Walumpu’t isang porsyento (81%) ng mga nasa hustong gulang na Pilipino ang nais na magnegosyo kung may makapagbibigay lamang sa kanila ng sapat na kaalaman tungkol dito.

Ito ay ayon sa resulta ng survey na isinagawa noong Oktubre 2022 ng OCTA Research.

Ang resulta ng naturang survey ay inilabas nitong Enero ng tanggapan ni GoNegosyo founder Joey Concepcion III.

Batay sa socioeconomic classes, nasa 80% ng mga nasa class A, B, C at D ang nagnanais na makapagnegosyo habang nasa 74% naman mula sa Class E ang nais ding gawin ito.

Lumabas sa pag-aaral na isa ang capital provision sa hinihinging suporta ng mga maliliit na entrepreneurs na nasa 69% at sinasabi rin na mahalagang bahagi ng pagnenegosyo para magtagumpay ito ay ang mentorship na nasa 66% naman.

Ani OCTA Research fellow Ranjit Singh Rye, may mataas na interes ang mga Filipino sa entrepreneurship.

“It’s also clear they want government to support MSMEs [micro, small, and medium enterprises] by funding two things: loans and mentoring,” sinabi ni Rye sa isang panayam nitong Enero 11.

“My opinion is that the government needs to expand investment in programs that broaden and deepen the development of MSMEs in the country.…Filipinos are hankering for support. This is the viable way forward for us not just to recover, but prosper as a nation,” dagdag pa niya.

Kabilang naman sa mga dahilan kung bakit mas ninanais ng mga Filipino na magkaroon ng sariling negosyo ay ang mga sumusunod na dahilan:

– Walang boss (24%)
– Makapamamahala ng sariling oras/iskedyul (21%)
– Nagtatrabaho at kumikita sa bahay o kahit saan (14%)
– Araw-araw na kita/pera (13%)
– Walang limitasyon sa kita at mas malaking suweldo (12%).

Ilan naman sa mga idinahilan ng mga gustong magtrabaho ay ang seguradong buwanang kita sa 34%, seguridad sa pananalapi sa 29% at hindi na kailangan pang maglabas ng kapital para magsimula sa 17%. RNT/JGC