4 suspek sa pagkamatay ng Cebu student sa hazing, sumuko

4 suspek sa pagkamatay ng Cebu student sa hazing, sumuko

March 10, 2023 @ 11:48 AM 2 weeks ago


CEBU CITY- Hindi pinapatulog ng kanilang konsensya ang sanhi ng pagsuko ng apat na lalaking suspek sa pagkamatay ng isang binata na Marine Engineering student dahil sa hazing noong Disyembre, 2022 sa lungsod na ito.

Ayon sa Cebu City Police Office (CCPO), nagtungo kahapon (Huwebes) sa kanilang tanggapan ang apat na suspek na hindi pinangalanan kasama ang kanilang abogadong si John Patrick Umpad, para sumuko.

Sa sinumpaang salaysay ng mga suspek, binabagabag sila ng kanilang konsensya sa pagkamatay ni Ronnel Baguio, 20-anyos, second year Marine Engineering student ng University of Cebu -Maritime Education and Training Center (METC) na namatay noong Disyembre 2022 matapos sumailalim sa initiation rites ng Tau Gamma Phi fraternity.

Sinabi ni Umpad na handang magsagawa ng extrajudicial statement ang apat na suspek para ibunyag nila ang iba pang nasa likod ng hazing para ikalulutas ng kaso.

Sa pahayag naman ni Lt. Col. Ma. Theresa Macatangay, tagapagsalita ng Cebu City Police Office, ang pagsuko ng mga suspek ay dahil sa patuloy na koordinasyon ng mga pulis at mga opisyal ng Tau Gamma Phi.

“Lumapit sila dahil gusto nilang aminin kung ano talaga ang nangyari at kung ano talaga ang nangyari noong insidente at para mapabilis na rin ang pagsasampa ng kaso laban sa iba pang sangkot sa krimen,” ani Macatangay.

Sa ngayon sinabi ni Macatangay na maaaring sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 11053 o Anti-Hazing Law ang mga suspek at maaari rin murder depende sa korte. Mary Anne Sapico