4 tiklo sa P.2 milyon na droga sa Valenzuela

4 tiklo sa P.2 milyon na droga sa Valenzuela

September 15, 2022 @ 2:09 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Swak sa selda ang apat na hinihinalang sangkot sa iligal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.2 milyon halaga ng shabu makaraan ang isinagawang buy bust operation ng mga pulis sa Valenzuela City.

Nakapiit sa detention cell ng Valenzuela City Police ang mga suspek na sina Mamerto Canaveral alyas “Tor”, 55; Nestor Baltazar, 46; Ariel Duque, 42, pawang residente ng lungsod at Jerome Buenaventura, 28, residente ng Caloocan City.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng Valenzuela Police, bandang alas-4:30 ng madaling araw ng magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PEMS Restie Mables sa ilalim ng pangangasiwa ni PLT. Joel Madregalejo ng buy-bust operation sa #6088 Balanti St., Brgy. Ugong matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagtutulak umano ng iligal na droga ni Canaveral.

Ayon sa ulat ng pulisya, nagawang makipagtransaksyon ng isang pulis na umakto bilang poseur-buyer ng P500 pesos na halaga ng shabu kay Canaveral at sa kasabwat nitong si Baltazar.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad inaresto ng mga pulis kasama sina Duque at Buenaventura na kapwa parokyano umano ni Canaveral.

Narekober sa mga suspek ang humigit-kumulang 31.27 gramo ng shabu na may standard drug price P212,636, buy-bust money, P1,200 recovered money, 2 cellphone at pouch.

Mahaharap ang mga aarestong suspek sa kasong paglabag sa RA-9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. R.A Marquez