4 tiklo sa P748K na shabu sa Valenzuela

4 tiklo sa P748K na shabu sa Valenzuela

August 18, 2022 @ 1:53 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Shoot sa kulungan ang apat na hinihinalang drug personalities matapos makuhanan ng mahigit P.7 milyon na halaga ng ipinagbabawal na droga makaraan ang isinagawang buy bust operation ng mga awtoridad sa Valenzuela City.

Kinilala ni PLT Doddie Aguirre, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela City Police ang mga suspek na sina Morris Bacod alyas “Boss”, 18, Geoffrey Cardinez Jr., 19, Enrico Rosales Jr., 24 at Erwin Manuel, 34, pawang residente ng Caloocan City.

Ayon kay Valenzuela Police Chief Col. Salvador Destura Jr., dakong alas-12:00 ng hating gabi ng magsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PLT Aguirre ng buy bust operation sa Gen. T De Leon Market, Brgy. Gen T De Leon.

Agad na dinakip ng mga operatiba si Bacod at Cardinez matapos bentahan ng halagang P32,000 pesos na droga ang isang pulis na nagpanggap na buyer ng iligal na droga kasama sina Rosales at Manuel na kapwa nakuhanan ng tig-isang plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Base kay PCpl. Glenn De Chavez, nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang 110 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P748,000, buy bust money na isang tunay na P1,000 peso bill, 15 pirasong P1,000 boodle money at 32 pirasong P500 boodle money, P850 recovered money, 3 cellphones at itim na belt bag.

Samantala, pinuri naman ni Col. Peñones ang Valenzuela Police sa ilalim ng pamumuno ni Col. Destura sa matagumpay na drug operation habang mahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Section 5, 26 at 11 under Article of RA 9165 at Art 151 of RPC ang mga naarestong suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. R.A Marquez