4 tiklo sa pagbebenta ng nakaw na motorsiklo online!

4 tiklo sa pagbebenta ng nakaw na motorsiklo online!

April 22, 2022 @ 5:04 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nalambat ng Quezon City Police District (QCPD) ang apat na magnanakaw ng motorsiklo nang kanilang ibenta sa social media platform ang kanilang mga ninakaw sanhi upang ikasa ng mga kapulisan ang entrapment operation sa nasabing lungsod.

Kinilala ni QCPD Director, PBGEN Remus B Medina, ang mga nadakip na sina Emman Garcia, 22, Bryan Cabrera, 40, kapwa residente ng  Brgy. Rodriguez, Rizal, Jonathan Gumamay, 25, ng  Brgy. Payatas, Q.C at Jayson Jugal, 28, naninirahan sa Brgy. Holy Spirit, Q.C.

Ayon kay  PLTCOL Rix Villareal,  Station Commander ng Masambong Police Station (PS 2), noong April 18, bandang 12:00 ng madaling araw, nakaparada ang motorsiko ng isang Lalamove driver na si Steven Mag-apan sa No. 11 Anakbayan St., Brgy. Paltok Q.C. nang dumating sila Gumamay at Jugal sakay ng Euro Motorcyle ay bumaba ang huli at tinangay  ang motorsiklo ng biktima saka tumakas.

Noong Abril 19,  dakong i11:30 ng umaga, nagulat ang biktima nang makita niya ang kanyang motorsiklo na ibinebenta sa facebook sanhi upang agad na  nireport nito sa mga awtoridad.

Nagkasa naman ng transaksyon ang mga operatiba kina Garcia at Jugal at nagkasundong magkita ang mga ito sa kahabaan ng Litex Road, Brgy. Commonwealth, subalit ang una lamang  ang sumipot kasama si Cabrera na agad inaresto.

Kalaunan, itinuga nina Garcia at Cabrera ang kinaroroonan ng dalawa pa nilang kasabwat na  sina  Gumamay at  Jugal na nagresulta ng kanilang  pagkakadakip.

Nakuha mula sa mga suspek ang Suzuki Gixxer, isang Honda XRM, isang Euro motorcycle at isang Motorstar Easyride 150N na pagmamay-ari ng biktimang si Mag-apan.

Nakapiit na ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10883 or New Anti-Carnapping Law na may kaugnayan sa PD 1612 o Anti-Fencing Law at paglabag sa RA 11235 o An Act Preventing and Penalizing the Use of Motorcycles in the Commission of Crimes. RNT/ JCM