4 tiklo sa sand quarrying

4 tiklo sa sand quarrying

February 28, 2023 @ 6:07 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Apat na indibidwal ang naaktuhang nagsasagawa ng sand quarrying sakay ng isang bangka sa katubigang sakop ng lalawigan ng Basilan nitong nakaraang Linggo.

Rumesponde ang Philippine Coast Guard sa ulat ng isang grupo ng lalaki na nagsasagawa ng sand quarrying sa may Barangay Marang-Marang sa Malamawi Island, Isabela City sa naturang lalawigan.

Sa lugar, naabutan ang apat na lalaki kabilang si Hasssan Adjal, residente ng Brgy. Marang-Marang na siyang may-ari ng bangka na FB Under Water, na pinaglalagyan nila ng ibinibiyaheng mga buhangin.

Isinuko ng PCG sina Adjal at tatlong iba pa sa Isabela City Agriculturist Office para isailalim sa dagdag na imbestigasyon at posibleng pagsasampa ng kaso.

Kinumpiska naman ng PCG ang bangkang-pangisda ni Adjal para isailalim sa dokumentasyon at tamang disposisyon nito. Jocelyn Tabangcura-Domenden