4 tulak kalaboso sa P97K tobats sa Malabon, Navotas

4 tulak kalaboso sa P97K tobats sa Malabon, Navotas

October 9, 2022 @ 11:54 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Isinelda ang apat na drug suspects, kabilang ang isang bebot matapos makuhanan ng nasa P97,240 halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy bust operation sa Malabon at Navotas.

Ayon kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, bandang alas-9:30 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Luis Rufo Jr ng buy bust operation sa Judge Roldan St. Brgy. San Roque.

Kaagad sinunggaban ng mga operatiba si Jerluis Cumpio, 44, (pusher/listed) at Jennilyn Quizol, 35, kapwa ng Blk 2, Lot 2, Bacog St., Brgy. Daanghari matapos bintahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagsilbi bilang poseur-buyer.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 13 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price (SDP) Php 88,400 at P500 marked money.

Dakong alas-1:45 ng madaling araw nang masakote naman ng mga operatiba ng SDEU ng Malabon police sa ilalim ng pangangasiwa ni PLT Alexander Dela Cruz sa buy bust operation sa Lapu-Lapu Avenue Brgy. Longos, Malabon City si John Darwin Vargas, 32 at Rajib Manuel, 33, kapwa ng Navotas City.

Nasamsam sa kanila ang humigi’t kumulang 1.3 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price Php 8,840.00 at P500 buy bust money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura