4 tulak tiklo sa P4.1M damo

4 tulak tiklo sa P4.1M damo

October 6, 2022 @ 2:52 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nalambat ng Quezon City Police District (QCPD) ang apat na tulak matapos na kumagat sa isinagawang buy-bust operation kagabi sa nasabing lungsod.

Kinilala ni QCPD Director PBGEN Nicolas Torre III ang mga nadakip na sina Mihingold Guina, 23-anyos, residente ng San Pedro, Laguna City at Daryl Louie Borgonia, 31, kapwa nakalista sa Regional Level Drug personalities, habang ang dalawang kasamahan ng mga ito ay nakilala na sina Miriam Doctor, 23, ng Brgy. San Roque, Marikina City, at Fernando Mendoza, 25, nakatira sa Brgy. San Agustin, Novaliches, Q..C.

Ayon kay Fairview Police Station 5 commander PLTCOL Elizabeth Jasmin, dakong alas-7:40 ng gabi ng ikasa ang drug operation sa Valiant St., Brgy. Greater Fairview, Q.C.

Lumalabas na isang impormante ang nagsumbong sa kapulisan sa illegal drug activities ni Mendoza dahilan upang ikasa ang operasyon laban sa kanya.

Isang pulis ang bumili ng halagang P25,000 na high grade marijuana (Kush) at nang magkaabutan ay dito na dinakma si Mendoza

Nabatid na tinuro naman ni Mendoza sina Guina, Borgonia at Doctor na supplier sa kanya ng illegal drugs sanhi upang madakip ang tatlo.

Nakumpiska sa apat ang 3,160 na gramo ng marijuana na may halagang P4,108.000, cellular phone, Honda City, at buy-bust money.

Nakapiit na ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

“I commend Fairview Police Station under PLTCOL Elizabeth Jasmin for their unrelenting efforts on the campaign against illegal drugs which resulted in the arrest of the suspects and confiscation of evidence. Ipagpatuloy lang natin ang masigasig na pagpapatupad laban sa kriminalidad lalo na ang illegal na droga upang protektahan ang mamamayan dito sa ating Lungsod,” sabi ni PBGEN Torre III.

“This accomplishment of QCPD is an indication of our commitment in the NCRPO in fighting one of today’s most serious social ills. We will continue to protect all its inhabitants against acts or omissions that are detrimental to the development and preservation of peace and order and security.” pahayag naman ni Acting NCRPO Director PBGEN Jonnel Estomo. Jan Sinocruz