4 wanted na ex-rep. pinatungan ng P1M pabuya

4 wanted na ex-rep. pinatungan ng P1M pabuya

August 4, 2018 @ 5:09 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Pinatungan na ng P1 milyong pabuya ng Citizen Crime Watch ang mga wanted na dating kongresista na sina Satur Ocampo, Teddy Casiño, Rafael Mariano at Liza Maza.

Nasa P250,000 ang pabuya kada isa sa makapagtuturo ng apat na hinahanap dahil sa kasong double murder.

Sa Saturday News Forum na isinagawa sa Quezon City, sinabi ni CCW National Legal Adviser Atty. Ferdinand Topacio na magmumula ang reward money sa ilan nilang kliyente at negosyante na sumusuporta sa kampanya ng anti-crime advocates.

Paliwanag ni Atty. Topacio, tila ginagawang ‘joke’ lang ng apat ang kanilang arrest order.

“Ang kinaiinis po nitong mga kaibigan natin who are in the private sector, parang tinatawanan nitong apat ang arrest order, ang warrant of arrest ng hukuman natin. Sinasabi nila nagtatago sila because these are fabricated cases, etc., hindi sila susuko. It’s not up to an accused to say that; it’s up to the court,” pahayag ni Topacio.

Dagdag pa ng abogado, magpapakalat sila ng mga tarpaulin sa ilan mga lugar para madaling maaresto ang mga pinaghahanap ng batas.

Nauna rito, bumuo na rin ang Philippine National Police (PNP) na bumuo ng team mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para tugisin ang apat na dating mambabatas.

Samantala, tinawag naman ng Public Interest Law Center (PILC) ang alok na pabuya na ‘lawlessness’ at kinuwestiyon kung saan nagmula ang pera.

Bukod dito, paliwanag ng grupo hindi rin naman banta sa seguridad at kaligtasan sina Maza, Mariano, Ocampo, at Casiño.

“Crimes aren’t solved through cheap tricks and extra-legal means. Their money on our clients won’t make us any safer,” ayon sa inilabas na pahayag ng PILC. (Remate News Team)