40 pamilya inilikas sa patuloy na buhos ng ulan

40 pamilya inilikas sa patuloy na buhos ng ulan

January 5, 2023 @ 2:48 PM 4 weeks ago


LEGAZPI CITY — Pwersahang inilikas ng Office of Civil Defense (OCD) Bicol, ang 40 na pamilya o 128 katao dahil sa banta ng matinding pagbaha at pagguho ng lupa bunsod ng walang patid na malakas na buhos ng ulan sa naturang rehiyon.

Ayon kay Gremil Alexis Naz, tagapagsalita OCD-Bicol, ang mga residenteng inilikas ay mula sa ilang binahang barangay sa mga bayan ng Calabanga at Tinambac sa Camarines Sur.

Aniya, nakapagtala na rin ang OCD ng 23 lugar ang binaha sa mga lalawigan ng Albay, Camarines Sur, at Sorsogon dahil sa patuloy na pag-ulan na nagsimula kahapon (Miyerkules).

Mayroon naman naiulat ng pagguho ng lupa sa Barangay San Francisco, bayan ng Casiguran sa Sorsogon, habang pitong local road sections ang hindi madaanan dahil sa umaapaw na tubig sa mga lalawigan ng Camarines.

Kaugnay nito, ipinag-utos na rin ni Camarines Sur Gov. Vincenzo Renato Luigi Villafuerte ang suspensiyon ng mga klase sa lahat ng antas.

Habang sa Naga City, sinuspinde ang mga klase mula pre-school hanggang senior high school.

Suspendido rin ang klase sa mga bayan ng Talisay at Daet sa Camarines Norte at Virac sa Catanduanes.

Gayundin sa Albay, suspendido ang klase sa Legazpi City, Camalig, Bacacay, Daraga, at Guinobatan.

Itinaas na rin ang alerto ni City Mayor Carmen Geraldine Rosal, sa nasabing bayan at naglagay ng emergency operations center. Maging ang mga opisyal ng barangay ay inatasan nitong magsagawa ng pre-emptive localized evacuation, kung kinakailangan.

Nagbabala rin ang mga awtoridad sa mga residente na iwasang tumawid sa mga ilog at sapa dahil sa posibleng pag-apaw nito na magdudulot ng matinding pagbaha. Mary Anne Sapico