GIYERA VS KAHIRAPAN

GIYERA VS KAHIRAPAN

June 9, 2022 @ 5:41 PM 3 weeks ago


WALANG duda, ang pagbabawas nang malaki  sa bilang ng mga naghihirap na mamamayan ang  isa sa mga pinakamahalagang gustong kamtin ng bagong pamahalaan sa ilalim ni President-elect Ferdinang “Bongbong” Marcos Jr.

Karaniwan nang nasusukat ang kahirapan sa pagkakaroon ng wala o hindi sapat na pagkain ng mga indibiduwal o pamilya.

At pangalawa ang pagkakaroon o kawalan ng panggastos para sa mga araw-araw na batayang mga pangangailangan

MAGIGING SINGLE DIGIT

Ayon sa Philippine Statistica Authority, dumami ang naghihirap nitong nakaraang taon sa bilang na mahigit 23 milyon mula sa nasa 21 milyon noong 2018.

Ito’y bunga ng pandemya mula 2020 na ngayon lang humuhupa.

Grabe ang mga naganap na malawakang pagtigil ng trabaho, pagsasara ng maraming negosyo na malaki at maliit kaya ang mga obrero nawalan ng ikabubuhay.

Ang mga nasa pampublikong transportasyon, lalo na ang mga nagtatraysikel, nadidyipno at nagta-taxi, tinamaan din ng gutom at kawalan ng panggastos sa pagtigil ng mga pamamasada.

Pati nga noong nagsisimula at kasagsagan ng pandemya ngunit hindi pa natatamaan ang malalayong probinsya ng coronavirus disease-d19, pinagbawalan na ang mga mangingisda at magsasaka na maghanapbuhay kahit sa gitna ng laot at kabukiran sila dapat maghanapbuhay.

Dito nanggaling ang milyon-milyong naghihirap.

Ngayon, sa panghuling taon ng anim na taong panunungkulan ng administrasyong Marcos, sina­sabing sana maabot na ang isang digit na lamang ng mga mahihirap.

‘Yung bang === mula sa bilang na 1 hanggang 9  milyong mamamayan mula sa 110 milyong kabuuang mamamayan at 21 o 23 milyon.

P20 KADA KILONG BIGAS

Imposible man kung iisipin, ang P20 kada kilo ng bigas sa mga darating na panahon ang simbolo ng gustong maganap ng bagong pamahalalan.

‘Yun bang === tanda ito ng magiging kakayahan ng mga mamamayan na magprodukto ng pagkain na sapat o sagana para sa buong bayan sa halip na mag-angkat at ang angkat na bigas ang mura.

Tanda rin ito ng pangarap na magkakaroon na ng kakayahan ng mga mamamayan na gagastos para sa mga batayan nilang pangangailangan.

Sana nga maganap ang pagbubukas ng eko­nomiya nang todo upang lahat ay magkaroon ng oportunidad na magtrabaho, magnegosyo at magproduksyon para sa pambansang pag-unlad.

At sana ang pagpapairal ng buom-buo na malayang pagtatrabaho, pagnenegosyo at  pagpoproduksyon kahit sa mga deklaradong nasa Alert Level 1 laban sa COVID-19 ay magpatuloy at panimula ito ng pagbangon mula sa lugmok na kalagayan ng marami o malawakang kahirapan.

MAHAHALAGANG GAWAIN

Gusto man natin o hindi, nauugnay pa rin sa pandemya at COVID-19 ang lahat ng ating ikinikilos para mabuhay sa makataong kalagayan na may pag-asa ng magandang bukas.

Sana naman, kahit mabigyan na ng laya ang lahat na gumalaw kahit kailan at kahit saan, kahit sa pag-aabroad at pagtanggap ng mga dayuhang turista at pagbalik ng mga Pinoy na nasa ibang bansa, maging masunurin tayo sa lahat ng pinaiiral na paghihigpit o giyera laban sa pandemya at COVID-19 gaya ng palaging pagsusuot ng face mask, pagpapabakuna at iba pa.

Anomang reklamo o puna, iparating lang sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.