409 aftershocks naitala sa Abra

409 aftershocks naitala sa Abra

October 26, 2022 @ 4:32 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Umabot sa 409 ang mga naitalang aftershock kasunod ng magnitude 6.4 na lindol na tumama sa Lagayan, Abra nitong Martes ng gabi, Oktubre 25.

Ito ang datos na ibinahagi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong araw, Oktubre 26.

Sa pulong balitaan, sinabi ni PHIVOLCS officer-in-charge Teresito Bacolcol na lima sa mga aftershock ang naramdaman at ang pinakamalakas ay magnitude 4.8.

Ayon kay Bacolcol, posibleng abutin pa ng ilang araw o linggo bago mawala ang mga aftershock na ito.

“Pero habang tumatagal, humihina po yung aftershocks at kumokonti po yung aftershock count natin,” aniya.

Matatandaang 10:59 kagabi ay tumama ang lindol na malapit sa Ilocos fault system at naramdaman sa malaking bahagi ng Luzon tulad ng Apayao, Benguet, Ilocos Sur, Ilocos Norte, La Union, Cagayan, Isabela, Tarlac, Nueva Ecija, Bulacan, at Metro Manila.

Samantala, nilinaw naman ng Phivolcs na walang kaugnayan ang lindol sa Abra sa naganap din na magnitude 5.2 na pagyanig sa Surigao del Sur kagabi.

“Malayo po yung Surigao sa Abra; wala pong connection yung dalawa,” ani Bacolcol.

“People are reminded to be cautious of the buildings that were visibly damaged by the event last night. So ‘pag may nakikita silang crack sa bahay nila, huwag muna silang pumasok and they should consult a municipal engineer or the city engineer and request for advice,” paalala niya. RNT/JGC