40K tabletas ng Molnupiravir, handang ipamahagi ng Manila LGU

40K tabletas ng Molnupiravir, handang ipamahagi ng Manila LGU

January 11, 2022 @ 10:41 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Natanggap na ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ang karagdagang 40,000 tabletas ng Molnupiravir, na isang oral anti-viral drug, para sa mga may nararanasang mild at moderate symptoms na mga pasyente na positibo sa sakit na COVID-19.

Sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa kanyang facebook live, dumating ang unang batch ng 20,000 tabletas ng Molnupiravir na maaaring magamit ng 500 pasyente. Ang pangalawang batch ng nasabing bilang ng Molnupiravir ay inaasahang darating din bukod pa ang natitirang nasa higit 4,000 tabletas na tangan ng lokal na pamahalaang lungsod.

“Sa mga mangangailangan dahil sila ay na-infect pero mild, ito po ay libre. Mananatiling libre hangga’t maari, hanggang kaya natin,” ani Domagoso.

“Ang importante ngayon tao mabuhay, bawat buhay mahalaga,” dagdag pa ni Yorme.

Aniya, sa mga nangangailangan ng nasabing gamot na residente at hindi residente ng Maynila ay maaaring makipag-ugnayan sa Manila Health Department at magprisinta lamang ng reseta ng doctor, contact number, at RT-PCR result.

Matatandaan na nito lamang nakaraang Lunes ay may 40,000 tabletas ng Molnupiravir ang lokal na pamahalaang lungsod kung saan higit 30,000 dito ang naipamahagi na sa mga nangangailangan sa buong Maynila kabilang na ang kalakhang Luzon.

“Almost 30,000 tablets were consumed by our people all over Luzon because we have extended our Molnupiravir to any person…ang importante mabuhay lang yung tao and we are happy to be of service,” giit ni Domagoso na isa sa mga tumatakbo sa pagka-Pangulo ng bansa sa darating na 2022 national election. JAY Reyes