Bong Go tinukuran ni Robin sa DDR Bill

Bong Go tinukuran ni Robin sa DDR Bill

August 14, 2022 @ 3:17 PM 2 months ago


Nakuha ni Senator Christopher “Bong” Go ang suporta ng kapwa senador na si Robin Padilla sa kanyang pagsisikap na itulak ang pagpasa ng panukala niyang batas na magtatag ng isang Department of Disaster Resilience.

Sa isang ambush interview pagkatapos ng personal na pagbibigay ng tulong sa mga naghihirap na residente sa Maasin City, Leyte, nangako si Go na susuportahan ang lahat ng pagsisikap at mga hakbang na naglalayong i-rehabilitate ang mga lugar sa Southern Leyte na pinakamatinding tinamaan ng Bagyong Odette noong Disyembre ng nakaraang taon.

“Kami naman po ni Robin, susuportahan po namin bilang senador kung ano ang makakatulong, bilang mambabatas, ‘yung makakatulong sa rehabilitation dito sa Maasin. Not only sa airport ninyo, kundi sa buong probinsya,” sabi ni Go.

Muling nanawagan si Go para sa pagpasa ng Senate Bill No. 199 na naglalayong itatag ang DDR. Ang nasabing panukala ay naglalayong lumikha ng isang highly specialized na ahensya na may tungkuling tiyakin ang adaptive, disaster-resilient at ligtas na mga komunidad.

“Ako po ay hindi titigil sa Senado na isulong ang Department of Disaster Resilience. Kasi, tignan n’yo po, kung meron tayong departamento na nakatutok kapag may bagyo, hindi na po tayo kailangan mag-create ng task force para dito,” anang senador.

“‘Yung departamento na po, tuluy-tuloy kahit na bagong administrasyon, itu-turn over na lang ng secretary sa bagong secretary ang mga rehabilitation efforts na gagawin,” aniya.

Pagsasama-samahin ng DDR ang lahat ng mahahalagang tungkulin at mandato na kasalukuyang nakakalat sa iba’t ibang ahensyang may kinalaman sa kalamidad. Kapag naitatag na, ito ang pangunahing responsable sa pagpapatupad ng mga programa, proyekto at aktibidad na magtitiyak na ang mga komunidad ay disaster-resilient, adaptive at ligtas.

Ang panukala ay nagbibigay din para sa paglikha ng isang Integrated Disaster Resilience Information System (IDRIS) na magsisilbing database ng lahat ng nauugnay na impormasyon sa pagbabawas ng panganib sa kalamidad at pagbabago ng klima.

Itinatadhana rin ng panukalang batas ang pagtatatag ng Humanitarian Assistance Action Center, isang one-stop shop para sa pagproseso at pagpapalabas ng mga produkto, kagamitan at serbisyo, upang matiyak ang napapanahong paghahatid ng tulong sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.

Naglalaan din ito ng mga remedial na hakbang para sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity, tulad ng pagpataw ng price ceiling sa mga pangunahing pangangailangan at pangunahing bilihin, programming o reprogramming ng mga pondo para sa pagkukumpuni ng mga pampublikong imprastraktura, at pagbibigay ng walang interes na pautang ng mga institusyon sa mga mahihinang grupo o indibidwal.

Sang-ayon naman si Padilla sa pagtatatag ng DDR at pinuri rin niya ang diskarte ni Go sa serbisyo publiko, partikular ang kanyang kaugaliang personal na pagbisita sa mga Pilipinong nasa krisis.

“Alam n’yo po, ang experience ko kung ikukumpara sa karanasan ni Idol Senator (Go), siguro sampu, ang akin ay lima lang, kalahati lang. ‘Yung kanya po kasing experience, siya po ay nagtatrabaho sa executive bukod sa legislative,” ani Padilla.

“Tandaan po natin dati po siyang SAP, Special Assistant to the President. Nakita n’ya, nakasama niya ang taumbayan, harapan. Ang legislative po kasi madalas malayo kami (sa sitwasyon sa baba). Kaya kitang-kita niya kung ano ang para sa ating bayan,” ayon kay Padilla. RNT