SANA’Y SIYA NA ANG SAGOT!

SANA’Y SIYA NA ANG SAGOT!

September 1, 2022 @ 12:48 PM 3 weeks ago


MASIPAG at higit sa lahat, istrikto ang bagong talagang hepe ng Northern Police District na si PCol. Ponce Rogelio Peñones, Jr, miyembro ng Philippine National Police Academy, Class 1995. Hindi ko personal na kilala si Peñones pero sa mga nasasagap kung ulat tungkol sa kanya, inihahalintulad siya kay dating PNP chief PGen. Guillermo Eleazar na ang kakaibang style of management ay tumatak sa taumbayan.

‘Di na ako magkukuwento pa tungkol kay Eleazar dahil alam ng sambayanan kung ano ang ginawa at naging accomplishment ng dating heneral bilang maayos at mapagkakatiwalaang hepe ng Pambansang Pulisya.

Matagal na mababa ang tingin ng madla sa PNP dahil sa nagkalat na bugok na mga pulis na kung ‘di protector o coddler ng illegal vices ay involved sa criminal activities, partikular sa drug peddling at recycling.

Noong panahon ni Eleazar, nag-lie-low ang ‘ninja cops’ dahil isa sa tinutukan niyang problema ng PNP at naging prayoridad ng kanyang pamunuan ay ang involvement ng mga naliligaw ng landas na mga pulis sa droga.

Istrikto si Eleazar – kasing-tigas ng bato ang paninindigan sa mga pulis na bumabaluktot sa batas, pero malambot ang puso sa mga nagtratrabaho, ginagawa ang sinumpaang tungkulin bilang alagad ng batas.

Madalas naiuulat noong si Eleazar ang PNP chief na yaong mga pulis na ayaw tumino, biglang itinatapon sa Mindanao at kung minsan napapabalita na lamang ang mga ito na namatay sa pakikipag-enkuwentro sa kapwa pulis.

Yaong mga pulis na rumerespeto sa batas – na nagtratr abaho ng maayos, aba’y may reward kay Eleazar, kundi citation at posisyon ay promosyon sa ranggo dahil deserving sila sa kanilang ipinakitang kagalingan.
Nakakalungkot, kasunod ng pagreretiro ni Eleazar sa police service ay unti-unting bumabalik ang maling gawi ng kapulisan – ang mga nagtago dahil sa drug war ni Duterte at Eleazar ay naghahasik muli ng lagim.

Ang NPD o CAMANAVA area ay isa sa lugar sa Metro Manila na hindi maikakaila ang pagdami ng mga krimen at pamamayagpag ng drug peddling na pinalala pa ng pagbabalik ng notorious ninja cops.

Sa pagkakatalaga ni Peñones, bilang bagong NPD director, sana’y siya na nga ang sagot sa matagal ng dalangin at sa lumalalang kriminalidad at nagbabalik na police scalawags na nambabalahura sa kumikinis na imahe ng PNP.