42 bagong promote na kawani ng DAR-Central Luzon nanumpa

42 bagong promote na kawani ng DAR-Central Luzon nanumpa

February 1, 2022 @ 8:45 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Umabot sa sa apatnapu’t dalawang (42) bagong promote at itinalagang kawani ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Gitnang Luzon ang nanumpa upang simulan ang kanilang panibagong paglalakbay upang pagsilbihan ang mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) ng ahensya, sa isang simpleng seremonya na ginanap sa Clark Freeport Zone, Pampanga.

Sa press release pinayuhan ni DAR Secretary Bernie F. Cruz, na nangasiwa sa oath-taking, ang mga empleyado na gawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang magkaloob ng tunay na serbisyo sa publiko at sa mga tao.

“Binabati ko kayong lahat sa inyong mga bagong posisyon. Lubos akong umaasa na pananatilihin ninyo ang inyong integridad, dedikasyon, at katapatan sa serbisyo publiko,” ani Cruz.

Kaugnay nito sinabi ni DAR-Central Luzon Regional Director James Arsenio Ponce na ang DAR ay nagpapatupad ng mga komprehensibong programa at serbisyo upang palakasin ang mga magsasaka na siyang pangunahing benepisyaryo ng programa ng repormang agraryo ng pamahalaan.

Binigyang-diin ni Ponce na ang mga programa at serbisyong ito ay makakamit sa pamamagitan ng pangako ng mga opisyal at empleyado ng DAR na maging mabuting tagapaglingkod ng bayan.

“Naniniwala ako na kayong lahat ay magiging mahalagang kasapi at yaman ng ating minamahal na ahensya,” ani Ponce.

Binigyang-diin naman ni Senior Agrarian Reform Program Officer (SARPO) Perlita Quito, isa sa 42 na bagong promote na kawani ng DAR-Bulacan na mahigit 2 dekada ng nagsisilbi sa departamento, ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pasensya upang maabot ang mga hangarin sa buhay.

Tiniyak niya sa pamunuan ng DAR na patuloy niyang tutulungan ang mga ARB sa pamamagitan ng pagganap ng kanyang trabaho sa abot ng kanyang makakaya.

Mula sa 42 empleyado, dalawamput-isa (21) sa kanila ay bagong promote at dalawamput-isa (21) ang bagong hirang. Ang dalawa (2) na mga bagong hinirang ay mga bagong aplikante at labing-siyam (19) ang ilan taon na ring naglilingkod sa DAR-Central Luzon bilang mga contract of service (COS). Santi Celario