420K SA PASAY RALLY NI LENI KINONTRA NG PNP

420K SA PASAY RALLY NI LENI KINONTRA NG PNP

April 25, 2022 @ 9:47 PM 2 months ago


Manila, Philippines-Nilinaw ng PNP-National Capital Region Police Office na aabot lang sa hanggang 100,000 katao ang dumalo sa campaign rally ni Vice President Leni Robredo sa Macapagal Boulevard sa Pasay City nitong Sabado.

Ayon kay NCRPO director Major General Felipe Natividad, taliwas ito sa sinabi ng organizers ng rally na umabot sa 420,000 ang dumalo sa campaign rally ni Robredo kasabay ng kanyang ika-57 kaarawan.

“’Yung estimate natin ay more or less nasa 90 to hundred thousand ‘yung nandoon,” pahayag ni Natividad.

Ipinaliwanag ni Natividad na bago ang naturang pagtitipon, nakipag-coordinate sa kanila ang organizers kung saan inalam nila ang sakop ng area na pagdarausan ng rally.

“Parang sinub-divide na natin by square meter ‘yung occupied ng tao ‘nung area na kinoordinate nila kaya dun naka-base ang crowd estimate. Tapos we also observe kasi na people go there siguro stay for a while then they will leave,” ayon pa ni Natividad.

Idinagdag pa ng NCRPO chief na dahil sa sistema na daloy ng tao – na hindi naman nagtatagal at umaalis agad ang karamihan, ay hindi talaga consistent na naroon at nanatili sa kabuuan ng programa.

Crowd estimate sa Pampanga itinanggi rin

Matatandaang kamakailan ay itinanggi rin ng PNP na sila ang nagbigay ng datos sa mga dumalo sa rally ni Robredo sa San Fernando, Pampanga kung saan sinasabing nasa 220,000 ang dumalo.

Sinabi ni Police Regional Office 3 chief, BGen. Matthew Baccay na ang crowd estimate ay galing sa rally organizers at hindi sa mga miyembro ng PNP na naatasang magpatupad ng seguridad at kaayusan sa naturang pagtitipon.

“The estimate of 220,000 came from the organizers, we are not in the business of making estimates, we provide route and area security only,” ayon kay Baccay.

Sinabi pa ni Baccay na ang lugar na pinagdausan ng aktibidad ay kaya lamang mag-accommodate ng tinatayang 70,000 katao. RNT