RAT- TO- CASH AT WASTONG PAGTATAPON NG BASURA

RAT- TO- CASH AT WASTONG PAGTATAPON NG BASURA

September 17, 2022 @ 12:35 AM 2 weeks ago


NAGKAROON ng “hanapbuhay” ang mga taga-Marikina City sa inilunsad na kampanya ni Mayor Marcelino Teodoro na rat-to-cash program.

Ito ay kampanya upang masawata ang sakit na leptospirosis, isang bacterial disease mula sa ihi ng daga, na laganap o tumaas ang kaso ngayon dahil sa baha na dulot ng sunod-sunod na pag-ulan.

Bawat isang daga na mahuhuli, patay o buhay, babayaran ng Marikina City government ng P200. Walastik!

Kung makahuhuli ang isang indibidwal ng 5 daga, presto…kikita siya ng 1 bulig.

Kaya nga may isang grupo ng mga tomador sa lungsod na abala sa panghuhuli ng mga daga para magkaroon sila ng “pangtoma” at “pampulutan”. Hik! Hik! Hik!

Maganda ang naisip na ito ni Yorme at kahit na papaano, natutulungan niya ang kanyang mga ka-lungsod para kumita ng pera sa “malinis na paraan”.

Ngunit hanggang kailan ito gagawin ni Teodoro?

Kung isa lamang ito sa kanyang mga “PR stunt”, nag-aaksaya lamang siya ng pera.

E kasi, baka ubos na ang pera para pambayad sa bawat nahuling daga, ang mga daga naman ay tinatawanan lang siya dahil talaga namang mahirap silang maubos at masawata.

Hanggang hindi natututo ang mga tao sa pagiging malinis sa kanilang kapaligiran o hindi marunong sumunod sa wastong pagtatapon ng basura, patuloy lang na magpipista ang mga daga na nagdadala ng iba’t ibang uri ng sakit.

Aba’y baka nga kung bibilangin o mababaligtad ang mundo, masasakop na tayo ng mga daga dahil mas marami pa sila kaysa sa mga tao.

Hindi lang naman ang Marikina ang gumawa ng ganyang “PR stunt”, kundi marami nang lugar.
Dahil “PR stunt” o “papogi” lamang sa mata ng madla, hindi rin nagtagumpay. Sanlaksa pa rin sa ating kapaligiran ang mga mapamesteng mga daga.

Dapat siguro, muling higpitan ang batas o mga ordinansa laban sa hindi wastong pagtatapon ng basura.
Paigtingin sana lalo ang mga programa o proyekto sa paglilinis sa mga kanal at estero. Kung walang basura, walang baha at siyempre, walang daga.

Disiplina ang kailangan, hindi propaganda.