PAGCOR NAKIKIPAGTULUNGAN SA PAGSUGPO NG KRIMEN

PAGCOR NAKIKIPAGTULUNGAN SA PAGSUGPO NG KRIMEN

October 1, 2022 @ 4:10 PM 2 months ago


PAGDATING sa usapin ng illegal online gambling, tiniyak ng Philippine Amusement and Gaming Corporation na hindi nila tinatalikuran ang kanilang responsibilidad sa pamahalaan kaugnay sa kaayusan at kapayapaan.

Sinabi ni PAGCOR chief executive officer at chairman Alejandro Tengco na patuloy ang ginagawa nilang coordination sa mga ahensiya ng pamahalaan na nagpapatupad ng batas kaugnay sa kanilang linya ng hanapbuhay.

Partikular na nakikipag-ugnayan at tulungan ang Pagcor sa mga ahensiyang tulad ng Department of Interior and Local Government, Department of Justice, National Bureau of Investigation at Philippine National Police.

Layon ng Pagcor sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga tanggapan ng pamahalaan na tuparin ang kanilang mga napag-usapang kasunduan hinggil sa Philippine Offshore Gaming Operators at upang matukoy na rin ang mga illegal gaming operations.

Isa sa mga problema ng pamahalaan kaugnay sa POGO ay ang mga insidente ng human trafficking, kidnapping at robbery na kadalasan na ang mga salarin ay sangkot sa iligal na sugal.

Nais rin ng Pagcor na matukoy kung sino-sino ang mga dayuhang nagsasagawa ng krimen kaugnay sa illegal online gaming na sumisira sa magandang layunin ng POGO.

Nilinaw rin ni Tengco na 34 na POGOs lang ang pinayagan o aprubado ng kanilang tanggapan at 127 ang accredited service providers habang 5 ang special class ng Business Process Outsourcing na pawang sumailalim sa kanilang masusing inspeksyon.

Nanindigan din ang Pagcor na hindi dapat tawagin na POGO ang illegal online gaming dahil wala naman silang permiso mula sa kanilang tanggapan na nagreregulate ng online gaming sa bansa.

Mahigpit, aniya, ang ginawang pagmomonitor ng kanilang tanggapan kaya marami rin ang mga gaming entity na hindi pumasa sa documentary at financial requirement ng kanilang tanggapan.

Ayon pa sa opisyal ng Pagcor, sa usapin ng krimen na ginagawa ng ilang indibidwal na sangkot sa illegal online gaming ay walang kaugnayan ang POGO.

Andiyan na raw ang krimen bago pa man maimbento ang online gaming na wala naman talagang kinalaman sa pag-uugali ng mga taong gumagawa ng krimen.