“BIG BOSSES” ANG ALALAY NI PBBM SA US TRIP

“BIG BOSSES” ANG ALALAY NI PBBM SA US TRIP

October 1, 2022 @ 4:15 PM 2 months ago


‘SUCCESS’ ang working visit ni Pangulong Bongbong Marcos sa America dahil may mga karagdagang negosyo ang tataya o mamumuhunan pa dito sa ating bansa.

Iniisip n’yo ba na malayong mangyari ito? Mali kayo! Eh kasi nga, ang umalalay kay PBBM halos lahat ay ‘big time’ at ‘big bosses’ ng mga big business dito sa atin.

Sumama sila sa Pangulong Marcos upang manghikayat pa ng negosyante mula sa New York bilang tulong nila sa Marcos Administration.

Di basta-basta ang grupong ito, mas mahalaga pa sa ibang kasama ng Pangulo sa tingin ko.

Kasama rito ang Presidente at CEO ng Aboitiz Group na si Sabin Aboitiz; International Container Terminal Services Inc. Chairman at President Enrique Razon; Metro Pacific Corp. Chairman at President Manny Pangilinan; San Miguel Corp. President at CEO Ramon Ang; Ayala Corp. Chairman Jaime Augusto Zobel de Ayala; SM Prime Holdings Director Hans Sy; JG Summit Holdings Inc. President at CEO Lance Gokongwei at Magsaysay Group President at CEO na si Doris Ho.

Kasama rin ang Jollibee Foods Corp. Chairman na si Tony Tan Caktiong; Converge ICT founder at CEO Dennis Anthony Uy; Top Frontier Investment Holdings chairman Iñigo Zobel; Century Properties CEO Jose E.B. Antonio; Alliance Global CEO Kevin Tan at Philippine Transmarine Carriers Group of Companies CEO Gerardo A. Borromeo.

Isa lang sinasabi ng mga big boss na ito, sumama sila sa biyahe ni PBBM dahil naniniwala sila sa ating lider at kanilang pagtitibayin na rin ang relasyon nila sa ating Pangulo nang sa gayon ay lalo pang mapasigla ang kalagayan ng ating ekonomiya, para makamtan ang higit pang kaunlaran ng bansa.

Sabi nga ni Aboitiz, na siyang namumuno sa Malacañang Private Sector Advisory Council, ang Pinas raw ay nakabalik na sa” tamang daan” nitong tinatahak – ang lumalaki at lumalagong ekonomiya, lalo pa nang malampasan natin ang pandemiyang dala ng COVID-19.

Kung baga, sama-sama ang mga big-time na grupong ito na nanghikayat ng iba pang gaya nila na maglagay na ng kanilang mga negosyo sa bansa. Dahil ang Pinas ay “hinog'”na at bukas para sa iba pang nais magnegosyo sa ating bansa.

Nadale naman ng malaking grupong ito ang mga negosyanteng ‘kano’ atbp. na pasok sa trade and industry, tourism, transport, energy, at information and communications technology, at nangakong tataya at maglagay ng kanilang negosyo sa Pinas.

Kung ang mga big-boss na ito ay gumagawa ng kanilang parte upang makatulong ‘di lamang kay PBBM kundi para sa buong bansa, mano pa kaya, kung tayong mga ordinaryo at mga simpleng mamamayan ay gagawa rin nang makakatulong na hakbang upang umangat at umunlad ang bansa? Pihadong nasa tamang landas na nga ang ating ekonomiya.
oOo oOo oOo oOo

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!