43 MOU napirmahan na sa nat’l housing program – DHSUD

43 MOU napirmahan na sa nat’l housing program – DHSUD

December 27, 2022 @ 3:40 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) nitong Martes, Disyembre 27 na nakapagpirma na sila ng mahigit 40 memorandums of understanding (MOU) para sa national housing program ng pamahalaan.

Ani DHSUD Undersecretary Avelino Tolentino III, nasa kabuuang 43 MOU na ang napirmahan katuwang ang iba’t ibang local government units para sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program.

Layunin ng naturang programa na magtayo ng anim na milyong bahay sa loob ng anim na taon.

“[S]ila po ay nag-commit na po ng suporta sa programa at sila po ay nag-commit din po ng paghanap ng lupa para doon programang ating pabahay ‘no,” sinabi ni Tolentino kasabay ng public briefing.

Dagdag pa, naglunsad na rin ang DHSUD ng 12 groundbreaking projects kabilang ang pinakahuli sa Nueva Ecija na dinaluhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kamakailan.

Nakakuha na rin umano ang ahensya ng mahigit 200,000 commitment ng housing units sa nakalipas na apat na buwan.

“Isa pong patunay na meron po tayong shift na nangyayari dito sa ating public housing sector at on top of this, hindi po natin pinabayaan ‘yung ating day-to-day operations,” ani Tolentino. RNT/JGC