43% NG 1,419 LAND DISPUTE CASES NIRESOLBA NG DENR SA LOOB NG 4 TAON

43% NG 1,419 LAND DISPUTE CASES NIRESOLBA NG DENR SA LOOB NG 4 TAON

January 12, 2023 @ 8:25 AM 3 weeks ago


Naresolbahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang 606 land dispute cases o 43% ng 1,419 cases na isinangguni sa Alternative Dispute Resolution (ADR) program nito simula pa noong 2019. 

Ito ay ipinaalam ni DENR Assistant Secretary for Legal Affairs and ADR Committee Chair Michelle Angelica Go sa ginanap na awarding ceremony para sa Best ADR Officers (ADROs) na bahagi ng pagdiriwang ng DENR National ADR Day 2022 noong December 6 sa central office sa lungsod ng Quezon.

Sinabi ni Go na dahil ang mga pagkaantala sa pagresolba ng land dispute cases ay nagdudulot ng “mistrust” sa DENR, ang mabilis na resolusyon ng land cases sa pamamagitan ng ADR mechanism ay nagtataas ng integridad ng ahensya na ayon dito ay “a crucial determinant of citizens’ trust in government.”

Ayon kay Go, ang 606 mediated cases sa loob ng apat na taon “is quite a feat” kung ikokonsidera ang mas matagal na panahon at malaking gastos kung ang mga kasong ito ay naresolba sa korte.

Sabi ni Go, nakikinabang sa ADR mechanism ang mga nagtutunggali sa larangan ng oras at gastusin kung ikukumpara sa paghahain ng kaso kung saan ang dalawang partido ay nasasailalim sa adversary system at court decisions batay sa merito ng kanilang pagtatalo.

Ang pagkakaroon ng DENR ng ADR mechanism ay ayon sa Republic Act (RA) 9285 o Alternative Dispute Resolution Act of 2004 at DENR Administrative Order (DAO) 2005-18, na nananawagan na gumamit ng ADR principles at procedures sa pagresolba ng mga tunggalian.

May 412 ADR mediations ang naisagawa sa taong ito, karamihan ay ginawa online, na lagpas ng 110 percent sa 376 ADR mediations na naisagawa noong isang taon.

Iniugnay ni Go ang pagtaas ng bilang ng ADR mediations noong 2022 sa buong implementasyon ng DAO 2021-01 na “Guidelines on the Conduct of Virtual Alternative Dispute Resolution Proceedings in the Resolution of Land Claims and Conflicts and Other Natural Resources Disputes in the Department” na inilabas noong January 29, 2021.

Maliban sa RA 9285, ang DAO 2021-01 ay ayon sa RA 11494 o ang “Bayanihan to Recover as One Act” na nagbabalangkas ng mga hakbang para sa COVID-19 response at recovery interventions at sa Supreme Court Administrative Circular No. 37-2020 na nananawagan sa pilot testing ng mga pagdinig sa pamamagitan ng videoconferencing.

Ang lands sector ang naunang isinama sa DENR ADR program. Noong 2018, isang comprehensive 80-hour accreditation training ang isinagawa para sa layuning ito.

Sa 427 indibidwal na nakatapos sa training program, may 346 ang aktibong ADRO sa kasalukuyan matapos ang paglipat sa ibang ahensiya ng gobyerno o retirement ng 78 na iba pang ADROs.

Ayon kay Go, karamihan sa DENR-ADROs ay hindi abogado na isang kalamangan kumpara sa lawyer-ADROs.

“As mediation facilitators, ADROs go beyond the legalese. The mindset should not be legalese. You get out of that box and it’s better if the ADRO is a non-lawyer,” saad ni Go.

Nagpahayag si Go ng optimismo sa higit pang institutionalization ng ADR sa ahensiya at ang paglunsad nito sa sektor ng pagmimina at kagubatan matapos magbigay ng suporta si DENR Secretary Antonia Loyzaga sa pagbubukas ng ADR photo exhibits sa umaga ng awarding.

“The environment chief expressed appreciation for the number of non-lawyers in DENR’s roster of ADROs as she noted that dispute resolution requires a mindset that is not legalese,” ayon kay Go.

Dagdag ni Go, pinalalakas ng DENR ang ADRO recruitment at accreditation sa plano nito na ilunsad ang ADR mechanism sa sektor ng kagubatan at pagminina.

Kinilala bilang 2022 Top ADROs sina Mildred Atienza Pascual (DENR Region IV-B), Sebastian Miguel Magat (DENR-Region II), Alexis Valdez Abrasaldo (DENR-Region II), Jose Angelo Nermal Fabila  (DENR-Region VI) at Orland Julius Moscardon Padios (DENR-Region VI).

Ang DENR regional offices I, II, IV-B, VI at X ay nakatanggap ng Top Pool of ARDO Awards bilang pagkilala sa kanilang suporta na ma-institutionalize ang ADR mechanism sa kanilang mga lugar na sinasakupan.