PERCY LAPID SLAY MALALIM ANG PUNO’T DULO

PERCY LAPID SLAY MALALIM ANG PUNO’T DULO

October 26, 2022 @ 5:09 PM 1 month ago


MALALIM ang motibo sa kasong pagpatay sa brodkaster na si Percival Mabasa a.k.a Percy Lapid kung pagbabatayan pa lang ang 160 na personalidad na itinuturing ng Department of Justice bilang persons of interest.

Maliban pa ‘yan sa anggulong kinokonsidera ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na may kinalaman umano sa droga ang posibleng dahilan nang pamamaslang sa kilalang mamamahayag kung saan madalas na binabanatan daw nito ang hindi pa rin matigil na transaksyon ng ipinagbabawal na gamot sa National Bilibid Prison.

Hindi man tahasang inamin ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na totoo kumplikado ang kasong ito subalit sadyang malaking palaisipan aniya na iniulat na namatay sa loob ng NBP ang isa sa middleman na si Cristito Villamor ilang oras matapos sumuko ang suspek sa pagpatay kay Lapid na si Joel Escorial.

Maniniwala ba ang taumbayang aksidenteng binangungot si Villamor na isa sa lumutang na kontak umano ni Escorial sa NBP makaraan ang ‘press conference’ kung saan ibinulgar ng suspek na mula sa loob ng Muntinlupa galing ang utos na patayin ang batikang brodkaster?

At napatunayan ang anggulong ito makaraang dumulog sa Tulfo brothers ang babaeng kapatid ng middleman na si Villamor at ibinulgar ang huling mensahe ng utol niya bago binangungot, na mula raw sa opisina ng NBP ang utos sa ilang kilalang grupo sa loob na patayin si Percy.

Kaya naman agarang isinailalim sa ‘witness protection program’ ang testigo bunsod sa pinaniniwalaang malaki ang maitutulong niya upang malutas ang kasong maging ang suspendidong hepe ng Bureau of Corrections na si General Gerald Bantag ay kabilang din sa iniimbestigahan ng awtoridad.

Sa totoo lang, itinuturing na mahirap tukuyin ang suspek sa anomang media killings sa bansa dahil kaliwa’t kanan ang kalaban ng mamamahayag lalo na kapag ‘hard hitting’ ito sa kanyang komentaryo.

Ilan na nga bang brodkaster sa bansa ang pinaslang na hanggang ngayon ay hindi pa rin matukoy ng awtoridad kung sino ang may kagagawan at naghihintay pa rin ng hustisya ang mga kaanak nito?

Kaya naman kailangan tutukan ng PNP at National Bureau of Investigation ang kasong pagpatay kay Percy Lapid upang hindi na naman ito mapabilang sa listahan ng unsolved media killings sa bansa.

Anomang puna o suhestiyon itex sa 09999388537/email normanlaurio17@gmail.com