44% ng adult Pinoy ‘dissatisfied’ sa K-12 program – sarbey

44% ng adult Pinoy ‘dissatisfied’ sa K-12 program – sarbey

July 18, 2022 @ 1:15 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng maraming mga Pilipino na hindi sila kuntento sa K-12 basic education system ng Pilipinas, batay sa Pulse Asia survey na kinomisyon ni Senator Sherwin Gatchalian.

Isinagawa ang survey mula Hunyo 24 hanggang 27, kung saan lumalabas na 44 porsyento ng mga respondent ang hindi kuntento sa programa, habang 39 porsyento ang kuntento, at 18% ang undecided.

Binubuo ng 1,200 Pilipinong nasa hustong gulang sa buong bansa ang mga nagsagot sa survey, na may margin of error na ± 2.8.

Mas mataas ang dissatisfaction rate ng 16 percentage points kumpara sa resulta ng survey noong Steyembre 2019, kung saan makikita na 28% ng respondents ang hindi kuntento sa K-12 program ng pamahalaan.

“Malinaw sa boses ng ating mga kababayan na hindi sila kuntento sa programa ng K-12. Ito ay dahil hindi natutupad ang mga pangako nito at naging dagdag na pasanin lamang ito sa ating mga magulang at mga mag-aaral,” ani Gatchalian.

Matatandaang sinabi ng senador na isa sa mga hindi natutupad na pangako ay ang agad na pagkakaroon ng trabaho pagka-graduate.

Samantala, magugunita na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. already na rebyuhin ang implementasyon ng K-12 program. RNT/SA