45 national roads isinara sa pinsala ni #PaengPh – DPWH

45 national roads isinara sa pinsala ni #PaengPh – DPWH

October 30, 2022 @ 5:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Hindi bababa sa 45 national roads sa buong bansa ang isinara dahil sa pananalasa ni Tropical Storm Paeng (international name: Nalgae), ayon sa Department of Public and Highways (DPWH) nitong Linggo.

Inihayag ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na nagdulot si Paeng ng malawak na pinsala sa iba’t ibang daan sa paghagupit nito sa Mindanao hanggang Luzon.

“As of last night, nakapag-inventory po kami. Siguro, there are 45 national roads closed all over the country. At saka, there are also several partially passable lang,” aniya.

Idinagdag niya na kasalukuyang gumugulong ang clearing operations partikular na sa major roads upang magbigay-daan sa relief operations.

“Having said that, puspusan na po kami ngayon. Nagsimula na kami kaninang madaling araw pa… para mag-clear na po kami. Ang utos ko, i-clear muna ang lahat ‘yung primary roads para po [ma-control] natin ang daloy ng traffic para po mga goods and services, pati ‘yung mga relief operations ay makapasok sa mga nasalanta,” ani Bonoan.

Sa kasalukuyan, sinabi ng DPWH na isang hamon lamang ang kinahhaarap nila sa operasyon at ito ay pagkumpuni sa mga nasirang tulay at daan patungo sa Antique mula sa Iloilo.

“May mga tulay na nasira, ‘yung mga approaches. May mga tulay din na-washout na tulay,” paglalahad ni Bonoan.

“Sa Region 6, ‘yung papuntang Antique dito ‘yung challenge natin kasi halos lahat ng mga kalsadang papuntang Antique from Iloilo ay maraming nasira. May mga nasirang tulay at road cuts,” patuloy niya.

Batay sa pinakabagong situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 147 daan at 53 tulay ang hindi madaanan dahil kay Paeng. RNT/SA