45M pasahero nakasakay sa MRT3 noong 2021 – DOTr

45M pasahero nakasakay sa MRT3 noong 2021 – DOTr

January 24, 2022 @ 3:03 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Nakapagserbisyo na ng kabuuang 45,675,884 mananakay ang Metro Rail Transit-3 (MRT3) o average na 136,935 daily commuter noong  2021 sa gitna ng COVID-19  pandemic, ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Sa pahayag ng DOTr, sinabi na 4.1 milyon commuters ang naitala noong Enero at Pebrero, at 3.9 milyon naman noong  Marso.

Nang isailalim ang National Capital Region (NCR) sa modified enhanced community quarantine (MECQ) noong Abril, bumaba ang buwanang sumasakay  sa 2.2 milyon. habang noong Mayo, tumaas ang bilang sa 3.5 milyon.

Ang buwanang sumasakay ay tumaas pa sa 3.7 milyon noong Hunyo at 4.2 milyon noong Hulyo.

Bumagsak naman sa 2.9 milyon ang bilang noong August nang ilagay ang NCR sa may mahigpit na  enhanced community quarantine (ECQ) classification dahil sa paglobo ng  kaso ng  COVID-19 dahil naman  sa mataas na hawaan ng Delta  variant.

Habang sa nalalabing buwan noong 2021, sinabi ng DOTr na mayroong tuluy-tuloy na pagtaas ng mga sakay habang ang NCR ay unti-unting lumuwag sa isang mas maluwag na community quarantine at alert level status.

Nagtala ang MRT-3 ng 3.3 milyong pasahero noong Setyembre; 3.9 milyon noong Oktubre; 4.4 milyon noong Nobyembre; at ang pinakamataas para sa taon na 5.5 milyon noong Disyembre.

Ang kapasidad ng tren sa MRT3 ay nadagdagan mula 30% (372 pasahero sa isang set ng tren) hanggang 70% (827 pasahero sa isang set ng tren) simula Nobyembre 4.

Ayon kay MRT3 OIC-General Manager Asec. Eymard Eje, ang dumaraming ridership/ sakay ay nagpakita ng mas magandang reliability ng MRT3 lalo na sa panahon ng pandemic.

“The continued patronage of our riding public is a testament to how MRT-3 has really transformed from a defective to a reliable, fast, and efficient public transportation that it is now,” sabi ni Eje  sa isang pahayag.

Iniugnay ni MRT3 Director for Operations Michael Capati ang pagpapabuti sa pagkumpleto ng rehabilitasyon ng sistema ng tren.

Ayon sa MRT3, ang oras ng paglalakbay sa pagitan ng North Avenue Station at Taft Avenue Station ay nabawasan mula isang oras at 15 minuto sa pre-pandemic record hanggang 50 minuto na ngayon.

“All the while na-maintain natin yung strict compliance sa COVID-19 health and safety protocols para sa kaligtasan ng mga pasahero,” pahayag ni Capati. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)