46% ng Pinoy naniniwala sa pagbuti ng ekonomiya sa sunod na 12 buwan-SWS

46% ng Pinoy naniniwala sa pagbuti ng ekonomiya sa sunod na 12 buwan-SWS

July 11, 2022 @ 8:09 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Wala pang kalahati ng mga Pilipinong nasa hustong gulang ang naniniwalang gaganda ang ekonomiya ng bansa sa susunod na labindalawang buwan, ayon sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS).

Napag-alaman sa poll na 46% ng mga respondent ang “economic optimists” habang 28% ang nagsabi na ang ekonomiya ay mananatiling pareho. Anim na porsyento naman ang naniniwalang lalala ito.

Ang net economic optimism score ay +40 ay mas mababa ng apat na puntos sa naitalang +44 sa nakaraang poll na isinagawa noong Disyembre ng nakaraang taon. Ang iskor, gayunpaman, ay inuri pa rin ng SWS bilang “excellent.”

“The 4-point decline in the national Net Economic Optimism score from December 2021 to April 2022 is due to slight decreases in all areas except in the Visayas,” anang SWS.

Isinagawa ng independent pollster ang face-to-face survey noong Abril 19-27, 2022 sa 1,440 na nasa hustong gulang, 360 bawat isa mula sa Balance Luzon, Metro Manila, Visayas, at Mindanao.

Ang mga margin ng error sa sampling ay ±2.6% para sa pambansang porsyento at ±5.2% para sa Balanse Luzon, Metro Manila, Visayas, at Mindanao.

Samantala, sinabi kamakailan ng economic team ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na inaasahan nilang lalago ang ekonomiya ng hindi bababa sa 6.5% taun-taon sa kabuuan ng kanyang termino. RNT