47K litro ng nasabat na langis ibibigay ng BOC sa AFP, PCG

47K litro ng nasabat na langis ibibigay ng BOC sa AFP, PCG

June 2, 2022 @ 6:12 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Tinatayang nasa higit 47,000 litro ng mga nasamsam na krudo ang ido-donate ng Bureau of Customs (BOC) sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG).

Nabatid na inaprubahan ni Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III ang pag-turn over ng 41,356.8 litro ng gasolina sa PCG at 6,000 litro sa military kahapon.

Napag-alaman sa DOF na ang mga stock ng gasolina ay nasamsam sa panahon ng pagpapatupad ng mga aktibidad ng BOC sa ilalim ng Fuel Marking Program.

Ang nasabing hakbang ay batay sa Seksyon 1141 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) kung saan pinahihintulutan ibigay sa ibang ahensya ng gobyerno ang mga kalakal na napapailalim sa forfeiture proceedings sa oras na aprubahan ito ng Finance Secretary.

Ayon sa kasunduan, ang AFP ay magbibigay ng kinakailangang “manpower” para tulungan ang BOC sa kanilang mga aktibidad sa pagpapatupad ng batas, habang ang BOC ay idodonate ang mga nasamsam na gasolina sa militar.

Matatandaan na nasa halos 11,000 litro ng diesel fuel ang nasamsam ng BOC noong Pebrero 24, 2021, sa loob ng Joycel Bus Lines sa Caloocan City matapos lumabas ang mga field test na walang marka ang mga ito na ang ibig sabihin ay walang binayaran na mga tungkulin o buwis para sa kanila.

Kinumpiska din ng BOC ang nasa 23,999 litro ng unmarked fuel mula sa mga pasilidad ng Lemiz Fuel Station at Star Oil/Min Ley Gasoline Station, na parehong matatagpuan sa Meycauayan, Bulacan, at sa Fuel Source Gas Station sa Cabanatuan, Nueva Ecija, sa ilang field testing operations na ginawa sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan noong nakaraang taon.

Nakumpiska rin ng BOC ang 6,357.8 litro ng gasolina noong Setyembre ng nakaraang taon sa isang retail gas station sa Arayat, Pampanga na pinatatakbo ng Luzon Petromobil Integrated Service Stations Inc.

“Fuel marking, which involves injecting chemical identifiers into tax-paid oil products, is being carried out under the Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law to curb smuggling of petroleum products,” saad ng DOF.

Sa ilalim ng Seksyon 7 ng DOF-BOC-Bureau of Internal Revenue Joint Circular No. 001.2021, ang mga produktong petrolyo na walang marka, may mga diluted na marker, o may mga pekeng marker ng gasolina ay sasailalim sa mga tungkulin at buwis, kasama ang naaangkop na mga multa at parusa. JAY Reyes