48 napaulat na namatay; higit 1M indibidwal apektado kay ‘Paeng’ – NDRRMC

48 napaulat na namatay; higit 1M indibidwal apektado kay ‘Paeng’ – NDRRMC

October 30, 2022 @ 1:14 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Tinatayang umabot na sa 48 katao ang namatay habang mahigit isang milyong katao naman ang apektado ng pananalasa ng Severe Tropical Storm Paeng (international name: Nalgae).

Sa  “8 a.m. situational report” ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi nito na 37  katao ang kumpirmadong namatay habang 11 naman ang nananatiling bina- validate.

Tinatayang 40 naman ang mula sa Bangsamoro region lamang, sinundan ng  tatlo mula sa Soccsksargen, dalawa sa Western Visayas at dalawa sa  Eastern Visayas, habang isa naman sa  Bicol region.

Mayroon namang 22 indibidwal ang napaulat na nawawala habang 40 naman ang nasaktan.

Sa kabilang dako,  may kabuuang  932,077 katao o  277,383 pamilya ang apektado sa  2,445 barangay sa Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, Bangsamoro, at Cordillera Administrative Region (CAR).

“As of Sunday,” 168,453 displaced people o 44,847 pamilya ang nananatili sa  2,125 evacuation centers,  habang  196,293 displaced people o 88,348 pamilya ang nananatili sa labas ng  evacuation centers.

Mayroon namang 40,319 katao o  10,948 pamilya  ang  “preemptively evacuated” sa  iba’t ibang rehiyon dahil kay  Paeng.

Ang pinsala  sa agrikultura ay umabot naman sa P54,965,924.13 sa Western Visayas at Soccsksargen ayon sa Department of Agriculture.

Nakapagtala naman ang NDRRMC ng 714 houses damaged dahil kay Paeng, may 555 ang partially damaged at 159 naman ang totally damaged.

Mayroon namang 147 lansangan at 53 mga tulay ang hanggang sa ngayon ay hindi madaanan dahil kay Paeng.

May kabuuang 124 lungsod at munisipalidad  ang nakaranas ng kawalan ng suplay ng kuryente.

Gayunman,  naibalik naman na ang suplay ng kuryente sa 31 lugar.

Tinatayang 8 lungsod at munisipalidad ang nakaranas ng  water supply interruption. Wala naman sa mga nasabing lugar ang naibaik agad ang suplay ng tubig ayon sa  NDRRMC.

Sinasabing may 39 lugar sa Eastern Visayas  ang dumanas ng interruptions  sa kanilang  communication lines.

Mayroon namang 75 seaports ang napaulat na  non-operational o nagdeklara ng suspensyon  ng byahe.

Sa airports o paliparan, 143 domestic at 20 international flights ang kanselado.

May kabuuang 7,782 pasahero, 2,433 rolling cargoes, 68 vessels, at 20 motor bancas  ang na-stranded sa  National Capital Region (NCR), Calabarzon, Mimaropa, Bicol region, Central Visayas, at Eastern Visayas.

Idagdag pa, sinabi ng NDRRMC na mayroong 379 flooding incidents, 60 landslides, anim na  flash floods, 11 fallen o uprooted trees, at isang roadslip dahil kay Paeng.

Dahil sa bagyo, may 662 klase at  201 work schedules ang suspendido.

May kabuuang  55 lungsod at munisipalidad ang idineklarang nasa ilalim ng state of calamity. Kris Jose