48 sumukong rebelde nabigyang pabahay

48 sumukong rebelde nabigyang pabahay

January 26, 2023 @ 12:54 PM 2 months ago


MANILA- PORMAL na tinurn-over ng National Housing Authority (NHA) sa Cordillera Administrative Region (CAR)-Region 2, kahapon ang 48 bahay sa mga pamilya ng sumukong rebelde sa pamahalaan sa Isabela.

Ayon kay General Manager Joeben Tai, sa ilalim ng Build Better and More (BBM) Program, ang 48 housing units na naipamahagi sa sa Sitio Casisiitan, Brgy. Minanga, San Mariano, Isabela ay may 28.4 square meters na floor area at lot area na 70 square meters.

Ang nasabing programa at sinaksihan nina CAR Manager Ferdinand Sales; San Mariano, Isabela Mayor Edgar Talosig Go; 502nd Infantry Brigade Commander Danila Benavidez at Liga ng mga Barangay president Eduardo Viernes.

Ibinigay ang mga bahay sa mga pamilya ng mga dating miyembro ng KAPATIRAN na naunang nagbalik-loov sa gobyerno.

Sinabi pa ni Tai, na ang pamamahagi ng mga bahay sa dating rebelde ay bilang bahagi ng Peace-Building Program ng NHA, na naglalayong mabigyan ng tahanan at pag-asa ang mga ito gayundin ang pag-udyok sa iba pang miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-). NPA-NDF) at iba pang mga ekstremista na sumuko na sa pamahalaan.

“Ang NHA ay patuloy na makikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at higit sa lahat, sa mga local government units, upang patuloy nating maihatid ang ating mandato sa sambayanang Pilipino, ” ani Tai.

Noong nakaraang Lunes, nagpulong ang Department of Social Welfare and Development at ang Office of the Presidential Adviser for Peace, Reconciliation and Unity upang maayos na makipag-ugnayan sa pagsuporta sa muling pagsasama-sama ng mga miyembro ng KAPATIRAN sa lipunan.

Nais ng mga ahensya na tiyakin na mayroon silang komunikasyon upang palakasin ang kanilang pakikipagtulungan para sa mga susunod na taon ng pagpapatupad.

Nakikinita nila ang isang mekanismo na mapakinabangan ang pagpapanatili at matatag na pag-unlad ng mga gawad at iba pang mga subsidyo na ibinibigay sa mga rebeldeng sumuko.

“Isaisip nating lahat na ang NHA ay isang instrumento na gumagabay sa mga pamilyang Pilipino upang matupad ang kanilang mga pangarap na magkaroon ng bagong bahay at bagong buhay,” pagtatapos ni Tai./Mary Anne Sapico