49 tenant nasagip sa sunog, bumbero sugatan

49 tenant nasagip sa sunog, bumbero sugatan

October 26, 2022 @ 5:52 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagawang mailigtas ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang 49 na katao sa nasusunog na gusali habang nasugatan naman ang isang bumbero nang sumiklab ang sunog sa Brgy. Laging Handa, Quezon City, kaninang umaga, Oktubre 26.

Base sa Quezon City Fire Department, nadale ang kamay ni FO2 Joselito Cabote dahil sa pagbutas sa bahagi ng walong palapag ng ALPHABASE building na nasa kanto ng Scout Rallos at Tuazon sa Brgy. Laging Handa, Q.C.

Ayon kay QC Fire Marshall Sr. Supt. Gary Alto, nagsimula ang sunog bandang 9:55 ng umaga sa tanggapan ng Momentum Construction Corporation na nasa ikalawang palapag, dahil umano sa nagliyab na exhaust fan ng kumpanya.

Dahil sa mabilis na pagkalat ng usok ay agad na ni-rescue ng mga bumbero ang 49 na tenant na nasa loob nang nasusunog na gusali, kung saan ang 29 ay mula sa 8th floor habang 20 naman sa iba’t ibang palapag.

Gumamit ang mga bumbero ng kanilang LUF 60 o ang unmanned firefighting machines at naapula ang apoy bandang 12:04 ng tanghali.

Sa inisyal na pagtaya ng QC Fire Department, aabot sa P4 milyon ang halaga ng mga ari-arian ang natupok sa sunog. Jan Sinocruz