4K turista sa Boracay kada araw, pasok sa carrying capacity – mayor

4K turista sa Boracay kada araw, pasok sa carrying capacity – mayor

December 16, 2022 @ 11:33 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng alkalde na nakasasakop sa isla ng Boracay na nasa 4,000 turista ang dumarating sa kanilang lugar araw-araw na pasok pa rin sa carrying capacity nito.

Ito ang idinepensa ni Malay, Aklan Mayor Floribar Bautista isang araw makalipas sabihin ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na dapat ay mahigpit na sundin ang carrying capacity ng Boracay matapos makakita ng mahigit 800 sinkholes sa isla.

“Basta hindi tayo bababa sa 4,000 a day…ang mga residents na lang sa Boracay nasa 38,000 yan eh,” pahayag ni Bautista sa panayam ng TeleRadyo nitong Biyernes, Disyembre 16.

“Ang anong capacity kasi dyan ng Manila 6,400 or 6,500 tourists a day,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa alkalde, mahigpit nilang ipinatutupad ang mga nakalatag na panuntunan pagdating sa bilang ng mga bumibisita sa isla.

“Kung pag-usapan naman natin sa carrying capacity eh ino-observe naman natin yan eh.”

“At regarding naman sa mga structure, meron kaming mga regulations sa Boracay na wala naman tayong masyadong high-rise. Ang maximum natin height sa Boracay 6 floors eh.”

Bilang pagtatapos, nais ni Bautista na ipakita sa kanya ng MGB ang mapa kung saan-saang lugar makikita ang mga sinkhole na tinukoy sa Boracay.

“At dapat din ma-identify kung saan banda yang mga sinkhole na yan. Manghingi ako ng mga mapa dyan sa MGB para malaman natin kung ganoon kalaki at hindi paglagyan ng structure dyan kasi merong sinkhole.”

“Lahat naman ng mga structures, lalo na malalaki yung mga matataas na mga structures …hindi naman basta-basta yung mga structure engineer na tinitingnan talaga sa may ilalim kung may hollow ba siya or may sinkhole ba,” pagtatapos niya. RNT/JGC