4M Pfizer vax ibinigay ng US sa Pinas

4M Pfizer vax ibinigay ng US sa Pinas

March 9, 2022 @ 8:06 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Halos apat na milyong doses ng Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine ang ibinigay at idiniliber ng United States (US) sa Pilipinas.

Ito ang pinakamalaking single-day shipment na ginawa ng US sa pamamagitan ng COVID-19 Vaccines Global Access (COVAX) facility sa Pilipinas, na may kabuuang 3,999,060 doses, sinabi ng US Embassy sa Pilipinas.

Ang nasabing donasyon ay bahagi ng 1.2-bilyong doses ng bakuna na ipinamamahagi ng US sa iba’t ibang bansa.

Sa ngayon, nakapagbigay na ang mamamayang Amerikano ng mahigit 33.3 milyong dose ng COVID jabs sa Pilipinas.

“We are immensely proud that our friends, partners, and allies in the Philippines are receiving this historic shipment. This significant donation underscores the United States’ commitment to continue working with our Philippine partners to combat Covid-19 even as we face serious challenges around the world,” ani US Embassy in the Philippines Chargé d’Affaires (CDA) ad interim Heather Variava.

Dumating ang record-high na donasyon noong Lunes, Marso 7, sa anibersaryo ng unang paghahatid ng COVAX ng mga bakunang COVID-19 sa Pilipinas.

Ang US ang pinakamalaking donor sa COVAX, na nag-donate ng $4 bilyon upang makatulong na protektahan ang mga pinaka-mahina at nasa panganib na populasyon sa 92 na mga bansang mababa at nasa gitna ang kita. RNT