4Ps BENEFICIARIES, MABIBIGYAN NG PAGKAKATAON SA TRABAHO

4Ps BENEFICIARIES, MABIBIGYAN NG PAGKAKATAON SA TRABAHO

February 28, 2020 @ 6:34 PM 11 months ago

  •  
  •  
  •  

MAY kasabihan na kung nais mo raw tulungan ang mga nagugutom at nagdarahop sa buhay, huwag mo silang bigyan ng isdang makakain o bigas na maisasaing kundi turuan mo silang mangisda o magtanim para mabuhay.

Ganito ang naging panuntunan sa Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Starboard Manpower Service Inc. sa paglagda nila sa isang Memorandum of Understanding na naglalayong tulungang makahanap ng trabaho ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program.

Hindi naman kasi maikakaila na umaasa lang sa tulong na ipinagkakaloob na salapi ng pamahalaan ang libo-libong maralitang pamilyang nais ipagpatuloy ang pag-aaral ng kanilang anak dahil sa kakapusan nila ng pananalapi o kawalan ng hanapbuhay.

Sa naturang kasunduang pinasok ng dalawang ahensya ng pamahalaan sa pribadong manpower services, pipili ang DSWD ng mga kwalipikadong benepisyaryo ng 4P’s upang pagkalooban ng pagsasanay o libreng training sa trabahong nais nilang pasukin bago sila i-apply sa isang kompanya.

Sa oras na makumpleto ng kuwalipikadong benibisyaryo ang kanyang pagsasanay at matiyak na sapat na ang kanyang kaalaman sa isang trabahong nais niyang pasukin, ang Starboard Manpower Services Inc. na ang tutulong at mag-eendorso sa kanila sa kanilang mga ka-partner na kompanya na magkakaloob sa kanila ng pirmihang trabaho.

Pinaalalahanan naman ng Presidente ng Starboard Foundation Inc. na si Mr. Manuel Gorobat Jr. ang mga 4P’s beneficiaries na mapagkakalooban ng libreng trainings at trabaho na pagkaingatan nila ang oportunidad na ibinigay sa kanila dahil hindi lahat ay nabigyan ng ganitong pagkakataon.

Nagpasalamat din si Gorobat sa DOLE at DSWD dahil sa kanilang suporta na ibinigay sa kanilang programa.

Ang DOLE naman ay maglalaan ng technical assistance sa DSWD at Starboard Manpower Services para sa facilitation o proseso ng employment ng mapipiling 4P’s beneficiaries sa pamamagitan ng iba’t ibang programa at serbisyo na nakatutok sa pagsusulong ng mas maayos na operasyon at mas malakas na ugnayan ng mga katuwang na ahensya.

Ayon naman sa DSWD, ang nilagdaan nilang MOU ay isa lamang sa mga kasunduan at programa upang matulungan ang mga mahihirap na Filipino na umangat ang kanilang buhay at makaahon sa kahirapan.

Batid ng naturang ahensiya na hindi habang panahon ay aasa na lamang sa tulong ng pamahalaan ang mga maralitang pamilya na may sapat namang kakayahan para makahanap ng oportunidad tulad ng ipinagkakaloob na libreng trainings.

Dangan nga lamang ay dapat talaga nila itong seryosohin, mahalin at pakaingatan.

o0o

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na jrreyes.0428@gmail.com o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0998-2025510.


  •  
  •  
  •  

Loading...