4Ps beneficiaries na kakalusin sa listahan, aabisuhan muna-Tulfo

4Ps beneficiaries na kakalusin sa listahan, aabisuhan muna-Tulfo

July 21, 2022 @ 8:20 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Social Welfare Secretary Erwin Tulfo na 1.3 milyong ineligible beneficiaries ang aalisin sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps at papalitan sila ng iba pang mahihirap na pamilya sa waitlist.

Ang proseso ng house-to-house assessment ng 4Ps beneficiaries ay nagsimula noong Hulyo at inaasahang matatapos ito sa Setyembre o Oktubre.

Sinabi ni Tulfo na ang mga hindi kwalipikadong pamilya na maaalis sa listahan ay titigil lamang sa pagtanggap ng tulong pinansyal kapag sila ay pormal na naabisuhan.

“Inaalis na po natin para sa kanilang pwesto na yun ibigay natin doon sa mga walang natatanggap at all, yung isang kahig isang tuka o isang beses isang araw lang kumain,” anang kalihim sa isang media briefing.

Sinabi ng ahensya na 600,000 pang benepisyaryo ang sumasailalim sa pagsusuri upang makita kung tugma pa rin sila sa pamantayan o kung sila ay itinuring na “nagtapos” ng conditional cash transfer program ng gobyerno.

Ikinalungkot ni Tulfo na karamihan sa kanila ay hindi maabot o tumatanggi na makipag-usap sa mga field officer ng DSWD.

Sa ilalim ng programa, ang isang maralitang sambahayan na may tatlong kwalipikadong anak ay maaaring makatanggap ng subsidy na P15,000 kada taon kung makumpleto nila ang mga sumusunod: pagpapadala sa kanilang mga anak sa paaralan at pagdalo sa mga kinakailangang pagpupulong, pagtanggap ng pre- at post-natal care para sa mga mga ina, regular na checkup para sa mga batang may edad na limang taong gulang pababa, at pag-deworm ng mga batang may edad anim hanggang 14 na taong gulang. RNT