4Ps BENEFICIARIES NA LASENGGO’T SUGAROL KAKASUHAN

4Ps BENEFICIARIES NA LASENGGO’T SUGAROL KAKASUHAN

July 8, 2022 @ 1:50 PM 1 month ago


PANAHON na para tuldukan ang matagal nang pagwawaldas ng kuwarta mula sa kaban ng bayan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program(4Ps).

Ito’y matapos magbigay ng babala kamakailan si DSWD Secretary Erwin Tulfo na pakakasuhan niya ang sinomang benepisyaryo na mapapatunayang ibinibili lang ng alak at isinusugal ang tinatanggap nitong ayuda mula sa Conditional Cash Transfer(CCT) sa halip na gamitin sa araw-araw na pangunahing gastusin upang maibsan ang nararanasang gutom ng mahihirap na pamilya nila.

Kasabay din na kinastigo ni Sec Erwin ang mga buwayang nagpapautang sa 4Ps beneficiaries na tuldukan na nito ang pagtanggap ng mga isinasanglang CCT cards upang hindi makasuhan ng gobyernong layunin namang matanggap ng pobreng mga pamilya ang buwanang ayuda mula sa ahensya.

Maging ang benepisyaryong tumatanggap pa rin ng tulong mula sa DSWD hanggang ngayon sa kabila nang hindi na kwalipikado bunsod sa grumadweyt na ang mga anak nito at propesyunal na ay hindi pinalampas ng kalihim na sasampahan umano ng kasong estafa kapag hindi isinurender sa ahensya ang CCT cards ngayon.

Sa totoo lang,tadtad ng reklamo ang iba’t-ibang tanggapan ng DSWD lalo na sa mga lalawigan hinggil sa mga sugarol na benepisyaryong ginagawang gatasan na lang ang malinis na programa ng 4Ps na ipinatupad noong panahon ni Manay Gloria upang tugunan ang lumalalang kahirapan sa bansa.

Batid ng sambayanan na hindi kayang alamin ng ahensya ang lahat na mga lasenggero’t sugarol na benepisyaryo dahil sa kakulangan ng mga empleyadong mag-iimbestiga sa mga reklamong ito kaya naman hinikayat ni Sec Erwin ang taumbayan na isumbong sa DSWD ang sinomang sabit dito kasabay nang pagbibigay ng karampatang pabuya.

Layunin ng bagong upong kalihim na maibigay sa mga mahihirap na kababayan ang alokasyon ng mga iresponsableng benepisyaryong dilat na nga ang pamilya sa gutom subalit nakukuha pang magsugal at maglasing.

Paano nga naman matuturuan ng leksyon ang mga indibidwal na itong madalas na batikusin ang gobyerno sa kanilang dinaranas na masaklap na kalagayan,’yun pala’y winawaldas lang ang ayudang marapat ay gamitin sana upang maibsan ang pagdurusa nila lalo noong sumabog ang pandaigdigang krisis dulot ng pandemyang sadyang pinataob ang kaldero ng nakararaming kababayan.