4Ps partylist nagpasalamat sa DSWD sa inayos na sistema ng bigayan ng ayuda

4Ps partylist nagpasalamat sa DSWD sa inayos na sistema ng bigayan ng ayuda

March 22, 2022 @ 2:10 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Ikinasaya ng 4P’s Party-list (Pagtibayan at Palaguin ang Pangkabuhayan Pilipino) ang pagbabago sa pagbibigay ng cash grant sa milyon-milyong beneficiaries ng pantawid pamilyang pilipino program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ito ang ipinahayag ng tagapagsalita ng Party-list na si Atty. Norman Tansingco kung saan sinabi nito na mula sa dating cash card ay mahusay na nabago nang DSWD ang sistema sa bigayan ng ayuda sa mas moderno at episyenteng e-wallet.

Aniya, sa dati kasing cash card ng landbank tanging ATM o over the counter (OTC) withdrawal lamang ang nagagawa ng miyembro ng 4Ps.

Pero sa bagong e-Wallet system ay maari ng makapag deposit ang mga miyembro, makatatanggap ng remittances at iba pang cash assistance mula sa gobyerno.

Sabi pa ni Tansingco, naniniwala ang 4Ps Party-list na sa ginawang ito ng DSWD ay lalo lamang mapapagtibay ang pagbibigay serbisyo sa mga maralita nating kababayan.

Bukod pa dito, matuturuan pa ang milyon-milyong miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na mag-impok para na rin sa kanilang kinabukasan.

Pinasalamatan naman ng 4Ps party-list ang DSWD dahil bukod sa mas mabisang e-Wallet system ay magkakaroon din ng financial literacy session para sa mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program bagay na lalong makakatulong sa mga miyembro na maging financially independent.

Aniya, saludo umano ang 4Ps Party-list sa DSWD, National Government, at sa iba pang ahensiya ng pamahalaan na nagtulungan para sa nasabing proyekto.

Matatandaan ang pagpapagaan at pag papabuti ng pamamahagi ng ayuda sa mga miyembro ng pantawid pamilyang pilipino ay isa sa mga programang nais isulong at pagandahin ng inyong 4Ps Party-list sa kongreso.

Iginiit din ni Tansingco na napapanahon umano ang nasabing aksyon ng DSWD at gobyerno ay malinaw na halimbawa na sa pagkakaisa ay matutulungan ang lahat ng mga maralita. RNT