4PS partylist umayuda sa Odette victims; dagdag-proteksyon sa biktima ng sakuna, isusulong

4PS partylist umayuda sa Odette victims; dagdag-proteksyon sa biktima ng sakuna, isusulong

January 3, 2022 @ 10:57 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Hindi napigilan ng holiday season ang pagnanais na makapagpaabot ng tulong ng 4Ps Party-list (Pagtibayin at Palaguin ang Pangkabuhayang Pilipino) sa mga naapektuhan ng Super Typhoon Odette sa Sogod, Southern Leyte.

Humigit-kumulang 1,000 food packs ang bitbit ng party-list group sa mga residenteng hanggang ngayon ay kapos sa ayuda, kabilang dito ang mga bigas at de lata. Nasa 1,600 na 6 liters na distilled water din ang dinala ng grupo sa lugar. May 1,000 packs din ng tasty bread na handog ang party-list.

Bukod sa mga food items, 500 pairs din ng tsinelas ang ipinamahagi ng grupo sa mga biktima ng Bagyong Odette na ni walang nasagip na gamit matapos manalasa ang kalamidad sa lugar.

Ayon kay Atty. Norman Tansingco, ang tagapagsalita ng partido, kailangang hindi mapatid ang tulong sa mga nasalanta nang pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa nitong nagdaang taon.

Bukod sa ayuda, plano ng grupong isulong ang Automatic Price Freeze Law sa Kamara. Sa ilalim ng panukalang batas na isusulong ng 4Ps Party-list ay mabibigyan ng proteksyon ang mga biktima ng sakuna.

Layunin ng Automatic Price Freeze Law na itakda ang automatic na pagpapatupad ng price freeze sa mga lugar na tinamaan ng sakuna. Sa pamamagitan nito ay maiiwasan ang pagsasamantala ng ilang indibidwal sa presyo ng mga bilihin pagkatapos tumama ang kalamidad.

Matatandaang nanawagan ang 4Ps Party-list sa National Government at mga local government units (LGUs) na mahigpit na ipatupad at i-monitor ang malakawang price freeze sa mga lugar na lubhang nasalanta ng Super Typhoon Odette. Anim na rehiyon sa bansa ay isinailalim sa state of calamity na nagtatakda ng price freeze upang maibsan ang paghihirap na kinakaharap ng mga taong naapektuhan ng bagyo ngunit ang ilan ay nagawa pang magsamantala ng ilang indibidwal sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga lugar na nasalanta.

Ayon pa kay Atty. Tansingco, napapanahon nang isulong ang naturang batas para mapangalagaan ang kapakanan ng mga biktima ng sakuna sa mga mananamantala.

Dapat aniyang managot ang LGU, mga negosyante at ang representative ng Department of Trade and Industry kung sakaling hindi maayos at mahigpit na maipatutupad ang price freeze. Sa pamamagitan nito ay masisigurong wala ng apektadong indibidwal ang mapagsasamantalahan sa oras ng sakuna. JAY Reyes