4Ps program iparerebyu ni Gatchalian: 50% lang epektibo

4Ps program iparerebyu ni Gatchalian: 50% lang epektibo

October 17, 2022 @ 10:28 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Kailangang rebyuhin ng Kongreso ang Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) dahil umaabot lamang sa 50% epektibo ang sistema dahil kakaunting bilang ng benepisaryo ang nakakahulagpos sa kahirapan, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.

Sa panayam, sinabi ni Gatchalian na hindi nagawang sugpuin ng 4Ps ang kahirapan dahil umabot lamang sa 90,000 kabataan mula sa 4.4 milyong family beneficiaries ang nakatapagtapos ng high school.

Aniya, kailangan talagang bigyan ng financial aid ang benepisaryo ng 4Ps upang makapatapos sila hanggang kolehiyo at bigyan din sila ng kabuhayan upang makahulagpos sila sa kanilang kahirapan.

“Kailangan talagang pag-aralang mabuti ito. Hindi ko sinasabi na putulin, hindi ko sinasabing na tanggalin, kundi pag-aralang mabuti. Kasi nga ang konsepto nito, umaangat ang kanyang estado, umaangat yung antas ng pamumuhay niya, at hindi ‘yun ang nakikita natin ngayon,” aniya.

Sa kabila nito, kinilala ni Gatchalian ang benepisyo ng 4ps law ay nagbibigay sa mahihirap na Filipino partikular sa edukasyon at tulong kalusugan.

“Unang-una, marami nang naga-graduate. Marami nang nakakapagtapos. Ibig sabihin ‘yung dropout rate natin sa elementarya at high school, napababa natin. Mas madami ang nagaaaral,” aniya.

“Pangalawa, marami tayong pamilya na natutulungan. Mas nagiging malusog sila, nagaaral yung kanilang mga anak. Meron silang pang-buwan buwan na ginagamit para sa kanilang araw-araw na gastusin,” dagdag ng senador.

Samantala, naghain naman si Senador Risa Hontiveros ng isang resolusyon na nananawagan sa pagpupulong ng isang joint congressional oversight committee upang suriin ang pangangailangan kung itutuloy ang implementasyon ng 4Ps law.

There was a “need to review and assess the program’s implementation and develop strategies to make it more responsive and effective in achieving its set goal of breaking intergenerational poverty,” ani Hontiveros. Ernie Reyes