5.2% inflation rate, dapat ikaalarma – Senator Bam

5.2% inflation rate, dapat ikaalarma – Senator Bam

July 6, 2018 @ 2:01 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Kinontra ni Senador Bam Aquino ang pahayag ng pamahalaan na walang dapat ikaalarma sa 5.2-porsiyentong inflation rate noong Hunyo, sa pagsasabing dapat itong mag-alala sa pasanin ng taumbayan mula sa mataas na presyo ng bilihin na dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

“Dapat lang na mabahala ang gobyerno sa matinding taas presyo. Huwag natin ito maliitin dahil pinapahirapan nito ang ating mga kababayan,” wika ni Sen. Bam, bilang tugon sa pahayag ng Palasyo na walang dapat ikabahala sa mataas na inflation rate.

“Hanggang nalulunod sa taas presyo ang mga kababayan natin, hindi magiging epektibo ang mga programa kontra-kahirapan,” dagdag ni Sen. Bam, isa sa apat na senador na bumoto laban sa ratipikasyon ng TRAIN Law.

Umaasa si Sen. Bam na tatalakayin ng Pangulo ang isyu ng TRAIN Law sa kanyang State of the Nation Address (SONA) at tututukan ang mga programa kontra-kahirapan para mapagaan ang pasanin ng mga Pilipino, lalo na ang mahihirap.

“Umaasa tayong pagtutuunan ng Pangulo sa kanyang pangalawang SONA ang pagsugpo sa kahirapan para tulungan ang ating mga kababayan na maitawid ang pangangailangan araw-araw at makaahon,” wika ni Sen. Bam.

“Para maging matagumpay ang pagsugpo sa kahirapan, kailangan magsimula sa pagsugpo ng taas-presyo sa pamamagitan ng pagsuspinde sa TRAIN,” dagdag pa ng senador.

Isinusulong ni Sen. Bam ang suspensiyon ng excise tax sa produktong petrolyo sa ilalim ng TRAIN Law dahil makatutulong itong mapababa ang presyo ng bilihin.

Naghain si Sen. Bam ng panukala na layong isuspinde at i-rollback ang excise tax sa langis sa ilalim ng TRAIN Law kapag ang average inflation rate ay lumampas sa taunang inflation target sa loob ng tatlong buwan.

Isinusulong din ni Sen. Bam ang buong pagpapatupad ng mga programang makatutulong sa mahihirap, tulad ng unconditional cash transfer program para sa mahihirap na pamilyang Pilipino at Pantawid Pasada program para sa jeepney operators at drivers. (Ernie Reyes)