5.9 magnitude na lindol, niyanig ang Japan

5.9 magnitude na lindol, niyanig ang Japan

July 8, 2018 @ 11:10 AM 5 years ago


 

Japan – Tumama ang 5.9-magnitude na lindol sa Japan, kagabi (July 7) sa labas ng Tokyo kung saan niyanig nito ang mga gusali sa kapitalyo bagama’t walang itinaas na tsunami warning.

Tumama ang lindol alas-8:23 ng gabi sa lalim na 39 kilometers sa labas ng silangang baybayin ng Honshu, Japan ayon sa US Geological Survey.

Sinabi naman ng meteorological agency ng Japan na wala silang inisyu na tsunami warning matapos ang nasabing pagyanig.

Wala namang naitalang pinsala ang lindol ngunit naramdaman ito hanggang sa loob at labas ng kapitolyo.

Ayon sa mga residente sa rehiyon ng Chiba sa labas ng Tokyo, nakaramdam daw sila ng malakas na pagyanig at ang iba pa ay nagsabing ito ay nagpatumba sa mga bagay na nasa estante ngunit wala naman naitalang galos sa mga ito.

Wala rin naman nakitang abnormalities sa mga nuclear facilities sa rehiyon.

Ayon sa spokesman para sa Narita airport sa labas ng kapitolyo, nagkaroon sila ng maiksing suspenyon ng operasyon dahil sa nasabing lindol.

“We temporarily closed the runways but resumed operation after confirming there was no damage. The quake was fairly strong but there was no panic at the airport,” ayon sa isang panayam.

Ang lindol ay nangyari ilang linggo lang matapos ang malakas na pagyanig sa rehiyon ng Osaka na pumatay sa limang tao at nag-iwan ng 350 indibidwal na sugatan.

Ang Japan ay nasa Pacific “Ring of Fire” kung saan naitatala ang marami sa mga lindol at pagsabog ng bulkan sa buong mundo. (Remate News Team)