5-anyos nawawala sa lumubog na bangka

5-anyos nawawala sa lumubog na bangka

January 3, 2023 @ 11:43 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Nawawala ang limang taong gulang na bata matapos tumaob ang isang motor banca sa dagat ng Barangay Sangat sa bayan ng San Fernando, southern Cebu province noong Bagong Taon.

Sinabi ni Stephen Pagcaliwagan, information officer ng Philippine Coast Guard-Central Visayas (PCG-7), na 24 na residente ng Barangay Manipis, Talisay City, Cebu ang patungo sana sa isang birthday anniversary party sa bayan ng Calape sa Bohol nang lumubog ang bangka bandang alas-7 ng gabi.

Sinabi ni Pantaleon Busquit ng San Fernando Disaster Risk Reduction and Management Office na posibleng hinampas ng malakas na alon ang bangka na nagmula sa San Fernando at tumaob.

Agad namang nagsagawa ng rescue operations nang i-report sa PCG-7 ang insidente. Kabilang sa mga nasagip na indibidwal ay isang isang buwang gulang na sanggol at siyam pang menor de edad na may edad isa hanggang 17.

Sinabi ni Pagcaliwagan na isinasagawa ang imbestigasyon upang matukoy kung ang bangka ay rehistrado o awtorisadong magsakay ng mga pasahero. RNT