5 araw na quarantine para sa asymptomatic, fully vaxxed individuals isusulong ng DOH

5 araw na quarantine para sa asymptomatic, fully vaxxed individuals isusulong ng DOH

January 11, 2022 @ 6:20 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng Department of Health nitong Martes na irerekomenda nito sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang pinaiksing quarantine period na limang araw para sa mga indibidwal na magpopositibo sa coronavirus disease (COVID-19) ngunit fully vaccinated at asymptomatic.

Sa Malacañang briefing, inilahad ni DOH Undersecretary at treatment czar Leopoldo Vega na sa gitna ng banta ng Omicron variant, hihilingin ng departamento sa IATF na palawigin ang pagpapaiksi sa isolation ng mga nakakumpleto na ng primary vaccine doses na nagpositibo sa COVID-19 subalit walang sintomas, kagaya ng sa healthcare workers.

“Ang gagawin namin at ipo-propose na din ng DOH ay i-streamline natin ‘to sa general public to harmonize the isolation and quarantine protocols,” aniya.

Inaprubahan ng IATF nitong Biyernes ang pagpapaiksi ng isolation at quarantine period para sa fully vaccinated health workers sa limang araw.

Ito ay kasunod ng hinaing ng ilang ospital ukol sa kakulangan ng healthcare workers dahil tinatamaan sila ng COVID-19. RNT/SA