5 arestado sa P115K shabu sa Valenzuela

5 arestado sa P115K shabu sa Valenzuela

January 8, 2021 @ 10:59 AM 1 week ago

  •  
  •  
  •  

Valenzuela City – SWAK sa kulungan ang limang hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang ginang matapos makuhanan ng higit sa P.1 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya.

Kinilala ni Valenzuela Police chief Col. Fernando Ortega ang naarestong mga suspek na si Eduardo Angeles, alyas “Mayong”, 51, Mary Ann Magno alyas  “Tadel”, 46, Erick Leyco alyas “Putol”, 32, Bobby Soccoro, 29, at Baban Alvarado, 50.

Ayon kay Station Drug Enforcement Unit (SDEU) investigator PSMS Fortunato Candido, dakong alas- 7:30 ng gabi nang magsagawa ng buy bust operation ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PLT Robin Santos sa ilalim ng pangangasiwa ni Col. Ortega sa Area 4 Dumpsite Pinalagad, Brgy. Malinta.

Nagawang makabili ng isa sa mga operatiba na nagpanggap na buyer ng P500 halaga ng shabu sa kanilang target na si Angeles at nang tanggapin nito ang marked money mula sa buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga pulis.

Habang naaktuhan naman ng mga operatiba sa loob ng isang walang numerong bahay ang iba pang mga suspek na sumisinghot ng shabu.

Narekober sa mga suspek ang nasa 17 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P115,600.00 ang halaga, marked money, dalawang cellphone, digital weighing scale, P5,000 cash at ilang drug paraphernalia. R.A Marquez/ Jojo Rabulan


  •  
  •  
  •  

Loading...