5 arestado sa pot session sa South Metro

5 arestado sa pot session sa South Metro

December 10, 2021 @ 7:37 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Arestado sa pot session ang  limang umano’y drug addict sa mga lungsod ng  Parañaque at Muntinlupa City, Huwebes ng gabi.

Dakong alas-5 ng hapon sa Parañaque City nang maaresto sina Angelo Mactal alyas kalbo, at Carlito Velasco alyas Tolits, makaraang maaktuhang sumisinghot ng shabu sa loob ng barong-barong sa Father St., Brgy.  Baclaran.

Nagsasagawa ng  pagpapatrolya ang kapulisan  sa area ng Baclaran nang makatanggap ng tip na mayroong nagaganap na pot session sa barong-barong sa  Father Street.

Nang makarating sa lugar ang mga pulis, nakitang kasalukuyang nagpa-pot ssession ang mga suspek kaya agad na isinagawa ang pag-aresto.

Nakuha sa dalawang suspek ang plastic sachet ng shabu, isang aluminum foil strip, isang binilot na aluminum foil at isang orange disposable lighter.

Samantala, sa Muntinlupa City, dakong alas-7:15 ng gabi, Huwebes, nagsagawa ang mga pulis ng Station Drug Enforcement Unit ng monitoring/validation para sa posibleng police operation nang mahuli ang tatlong 3 drug suspects na aktong nagpa-pot session sa Purok 8 Bautista Comp. Brgy Alabang, Muntinlupa City.

Kinilala ang mga suspek na sina  Cleto Gorgonia, Cecill Solomon at Babylyn Solomon y Ibañez.

Nakuha sa tatlo ang plastic sachet na may bahid ng shabu , isang aluminum foil strip na may bahid ng shabu, isang improvised plastic straw tooter, isang yellow disposable lighter at isang yellow-green disposable lighter na may improvised aluminum foil burner.

Nakatakdang sampahan sa korte ng kasong paglabag sa  RA 9165 ang mga suspek na ngayon ay nakaditine sa Custodial Facility ng Parañaque at Muntunlupa City Police samantalang ang mga nakuhang ebidensya ay dinala sa SPD Forensic Unit para sa chemical analysis.

“Ang pag-aresto sa mga ganitong illegal na gawain sa ating nasasakupan ay nagpapakita lamang ng dedikasyon ng mga kapulisan ng SPD sa kanilang sinumpaang  tungkulin sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan ng komunidad. Gayundin, ako ay nagpapasalamat sa ating mga kababayan sa kanilang pakikiisa at walang patid na suporta sa buong  kapulisan sa ating kampanya laban sa illegal na mga gawain,” sabi ni SPD Director PBGen Macaraeg. Dave Baluyot