5 arestado sa tangkang pagdukot sa Malaysian national

5 arestado sa tangkang pagdukot sa Malaysian national

August 26, 2022 @ 10:40 AM 1 month ago


TARLAC-Arestado ang limang suspek matapos tangkain dukutin ang isang Malaysian national nitong Miyerkules sa Bamban, Tarlac.

Kinilala ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang mga suspek na sina Carmelito de la Cruz, 58; Alexander Sumagay, 40; John Rey Valderama, 26, Obet Endrada Tobias, 40, mga Filipino; at Der Jien Chiw, 33, Malaysian national.

Batay sa report ng natanggap ng PNP Command Center, Camp Crame, dakong 12:30 AM naganap ang insidente sa tapat ng gusali na pinagtatrabahuhan ng biktima (hindi pinangalanan) sa nasabing bayan.

Sa inisyal na imbestigasyon, nagmamaneho ng biktima ang kanyang sasakyan ng bigla na lamang siyang harangin ng mga suspek.

Pinababa ng mga suspek ang biktima at pilit na isinasakay sa sasakyan ng mga suspek kaya agad naman itong nakatawag ng pansin sa on-duty na security guard at agad itinawag sa Bamban Municipal Police Station, Tarlac.

Mabilis naman rumesponde ang mga pulis na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

“Due to swift action of our PNP personnel, the victim was successfully rescued and the five suspects were apprehended. The PNP will conduct further investigation to verify the motive and involvement of arrested personalities,” ani Azurin.

Kasalukuyan nasa kustodiya ng PNP ang mga nadakip na suspek para sa tamang disposisyon./Mary Anne Sapico