5 Bulacan rescuers na nasawi kay ‘Karding’, pinangalanan

5 Bulacan rescuers na nasawi kay ‘Karding’, pinangalanan

September 26, 2022 @ 11:34 AM 2 months ago


Bulacan- Pinangalanan na ang limang rescuer ang nagbuwis ng buhay habang gumaganap sa kanilamg tungkulin sa kasagsagan nang pagbayo ng Super Typhoon Karding sa bayan ng San Miguel.

Kinilala ang mga nasawing sina Narciso Calayag, Jerson Resurecion, Marvy Bartolome, George Agustin at Troy Justin Agustin kapwa miyembro ng Bulacan Provincial Rescuer.

Sa report ni San Miguel Acting chief of police PLTCOL Romualdo Andres, bandang alas-7 ng umaga nitong Setyembre 26, isang tawag ang kanilang natanggap mula sa concerned citizen na may limang rescuer na walang buhay ng Bulacan rescue ang magkakahiwalay na natagpuan sa Sitio Banga-Banga, Brgy. Camias.

Sa isang panayam kay Bulacan Governor Daniel Fernando, habang nagbibigay ng tulong sa 50 pamilya o 200 evacuees sa Obando Evacuation area, sinabi niya na ang limang namatay habang gumaganap sa kanilang tungkulin ay pawang miyembro ng Bulacan rescue team.

Aniya, may mga nakakitang residente na bumaba ang limang rescuer sa kanilang truck matapos itong tumirik at napagpasyahang sumakay na lamang ng bangka.

Nang makasakay at habang naglalayag ay biglang rumagasa ang daloy ng tubig-baha hanggang sa mawasak ang isang bahagi ng pader na humampas sa kanilang bangka.

Tuluyan silang inanod hanggang sa matagpuan na wala ng buhay sa iba’t ibang oras at lugar kinabukasan ng umaga sa naturang lugar.

Bukod sa personal na tulong ni Fernando, napag-alamang bibigyan ng mataas na parangal ang mga namatay na rescuer ng Pamahalaang Panlalawigan at bibigyan din ng tulong ang mga pamilya ng naulila.

Patuloy ang pagbuhos ng pakikidalamhati ng mga netizen sa mga namatay na rescuer na nagbuwis ng buhay para sa kapwa na anila’y mga maituturing na mga bayani. Dick Mirasol III