5 day paid-leave, ibigay sa mga volunteers sa panahon ng sakuna- Solon

5 day paid-leave, ibigay sa mga volunteers sa panahon ng sakuna- Solon

June 27, 2018 @ 10:21 AM 4 years ago


Manila, Philippines – Kapag may sakuna gaya ng bagyo, pagputok ng bulkan, lindol, landslides at iba pang kalamidad ay malaki ang tulong ng mga trained volunteers, kaya naman ipinapanukala ng isang mambabatas na magpasa ng batas na bibigyan ng 5 araw na paid-leave ang mga volunteers na reresponde sa panahon ng kalamidad.
Ayon kay Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado bagama’t sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRMMC) ay may mga naka-standby ng personnel na ididispatiya sa panahon ng kalamidad ay ang katotohanan ay kulang pa din ito, kailangan umano ng bansa ang mga trained volunteers na maaaring agad na rumesponde sa kanilang komunidad kung kinakailangan.
Sa ilalim ng House Bill 7789 o Disaster Service Volunteer Leave Act ni Sy-Alvardo ay isinusulong nito na sinumang kawani na certified disaster service volunteer ay maaaring lumiban sa kanyang trabaho para tumulong sa mga specialized disaster relief services ng Philippine Red Cross (PRC) at babayaran pa rin sila sa kanilang pagliban sa trabaho ng hanggang sa loob ng 5 araw.
“The purpose of the bill seeks to promote volunteerism by granting the volunteers, who are also employees of the government and private sector, to participate in disaster relief activities during calamities and disaster without incurring absences from their respective work,” paliwanag ni Sy-Alvarado.
Nilinaw naman ni Sy-Alvarado na tanging sahod lamang sa nasabing araw ang ibibigay sa empleyado at hindi na kasama ang overtime pay, night shift differential pay at  hazardous duty pay.
Hindi rin sagutin ng gobyerno kung magkaroon man ng aksidente o injury habang ang kawani ay umaakto bilang certified disaster service volunteers para sa PRC gayundin ang lahat ng gagawin at job funtions ng isang kawani na nakaleave ay nasa ilalim ng kontrol ng PRC.
Sa oras na maging batas ay nakasaad sa panukala na ang Civil Service Commission (CSC),National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRMMC), PRC, Department of Labor and Employment (DOLE) at  Department of Interior and Local Government (DILG) ang siyang babalangkas ng Implementing Rules and Regulations (IRR). (Gail Mendoza)