5 delivery rider na-scam; mga inorder na pagkain ipinadala kay Mayor Isko

5 delivery rider na-scam; mga inorder na pagkain ipinadala kay Mayor Isko

July 9, 2021 @ 11:50 AM 1 year ago


Manila, Philippines – Nanawagan si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa publiko na huwag nilang perwisyuhin ang mga delivery riders na nagpupursigeng maghanapbuhay lalo na at mahirap ang kasalukuyang sitwasyon dulot ng COVID-19 pandemic.

Sa panawagan ni Domagoso sa mga magtatangkang lokohin at i-harass ang mga riders, isipin na lamang umano nila na may kanya-kanyang binubuhay na pamilya ang mga ito. Ang intensiyon lamang aniya ng mga delivery riders ay kumita sa tapat na pamamaraan.

“Alam naman po natin na marami ang gusto lang maghanapbuhay nang tapat at marangal. Huwag na natin sila i-prank, pagtripan o i-harass sa mga pekeng deliveries natin. This is not a laughing matter,” ani Domagoso.

Nag-ugat ang panawagan ni Yorme makaraang ma-“scam” ang may limang delivery riders matapos magproseso ng pekeng food deliveries na nakapangalan kay Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang mga inorder at ipinadala sa Office of the Mayor nitong Huwebes ng hapon.

Nakaproseso ang limang pekeng order sa iba’t ibang mobile delivery app gamit ang iba’t ibang international mobile number.

Ayon sa mga text messages na natatanggap mula sa number, nag-order di umano ang isang ‘Isko Domagoso Moreno’ ng iba’t ibang pagkain mula sa magkakaibang restaurant.

“Pakidala po sa mayors office thank you pa assist nlng po kayo,” bilin ng umorder sa mga delivery rider.

Kaugnay nito, nabatid kay Manila Public Information Office (MPIO) Chief Julius Leonen na ipinagbigay alam na nila ang nasabing sitwasyon sa Cybercrime Division ng Manila Police District.

Bukod aniya dito ay makikipag-ugnayan na din sila sa mga mobile delivery apps hinggil sa naganap na insidente.

Nataid din kay Leonen na binayaran na lamang umano lahat ni Yorme Isko ng mga idineliber na pagkain na nagkakahalaga ng P5,000 bilang tulong na din sa mga delivery riders na nabiktima ng panloloko. Ang mga pagkaing pizza na idineliber nbg mga riders ay ibinahagi sa mga empleyado upang mapagsaluhan.    JAY Reyes