5 drug suspects nalambat sa Navotas

5 drug suspects nalambat sa Navotas

November 10, 2022 @ 9:28 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Kulungan ang kinasadlakan ng limang hinihinalang drug personalites, kabilang ang 40-anyos na matandang dalaga matapos masakote sa magkahiwalay na drug operations ng pulisya sa Navotas City.

Ayon kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, dakong alas-12:55 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt. Luis Rufo Jr ng buy bust operation sa A. Dela Cruz St., Brgy. San Roque na nagresulta sa pagkakaaresto kay Lemmor Santiago alyas “Botchie”, 25 at Marco Villanueva alyas “Edward”, 22, kapwa ng lungsod.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 1.47 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P9,996, P500 markede money at P500 recovered money.

Nauna rito, natimbog naman ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa Tanigue Ext., Brgy. NBBS Dagat-dagatan dakong alas-11:15 ng gabi si Junanito Rosales alyas “Aneth”, 38, at Romeo Cabaluna Jr alyas “Butchoy” 45, (pusher/listed). Nasamsam sa kanila ang nasa 3 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P20,400, at P500 buy bust money.

Samantala, naaresto naman ng mga tauhan ng Northern NCR Maritime police na nagsasagawa ng foot patrol sa Kadamay St., NBBN alas-9:31 ng gabi sa pangunguna ni PSMS Orly Oli, kasama sina PCpl Kristine Dela Cruz, PCpl Ryan Dimaano, PSSg Oldarico Quinabato Jr, Pat Rinces Joy Pascua at Pat Claire Gabriel si Teresita Sigua, 40, matapos makuhanan ng isang plastic sachet na naglalaman ng nasa P300 halaga ng hinihinalang shabu nang masita sa paglabag sa city ordinance dahil sa paninigarilyo sa pampublikong lugar.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura